Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, ibinahagi ni Rodjun Cruz kung papaano nila hinaharap ng kaniyang asawa na si Dianne Medina ang mga basher.

Sa naturang episode, inihayag ng host na si Tito Boy na batid niya na naging biktima rin ng mga basher ang mag-asawa, at naalala pa niya na may pagkakataon pa na may mga nagsasabing si Dianne ang sumusuporta kay Rodjun.

Ayon kay Rodjun, nag-uusap sila ni Dianne na huwag intindihin ang mga basher na walang ginawa kundi bantayan ang mga kilos nila.

“Ako po talaga, kami ni Dianne, kinakausap ko siya kasi ang mga bashers, mga inggit ‘yan eh. Wala naman silang ibang ginagawa sa buhay kundi mag-bash, magbaba ng mga tao,” sabi ni Rodjun.

Para kay Rodjun, mas mahalaga ang pagmamahal niya kay Dianne, at alam nila kung ano ang totoo.

Pinuri din ng aktor ang kaniyang kabiyak sa mga ginagawa nitong sakripisyo bilang ina sa dalawa nilang anak.

“Alam namin 'yung totoo, alam namin 'yung hard work. Tsaka si Dianne din, siyempre nag-start pa lang din siya mag-diet, bina-bash siya about sa weight niya, sa lahat ng ginagawa niya. Pero 'yung wife ko kasi, sobrang love na love ko siya and na-appreciate ko 'yung ginagawa niya for the family,” ani Rodjun.

“And hindi kasi nila alam kung ano 'yung hirap ng isang nanay, kung ano 'yung pinagdadaanan ng isang nanay,” dagdag pa niya.

Mas minahal pa raw ni Rodjun ang asawa nang magkaroon na sila ng mga anak at makita na hindi madali ang maging isang ina.

“Kasi ako, mas lalo kong minahal si Dianne nu’ng nandu’n ako sa hospital nu’ng nag-give birth kay Isabella, so nakita ko 'yung sacrifices niya, 'yung hirap na pinagdadaanan niya, 'yung ginagawa niya sa family,” sabi pa ng aktor.

“So ang sinasabi ko sa kaniya, huwag niya pansinin 'yung mga negative, du’n tayo sa positive, at least wala tayo nasasagasaan na kahit na sinong tao. Enjoy natin 'yung life and sobrang blessed tayo to be stressed. So enjoy life,” pagpapatuloy ni Rodjun.

May dalawang anak sina Rodjun at Dianne: sina Rodolfo Joaquin Diego III, ipinanganak noong 2020, at Maria Isabella Elizabeth, isinilang noong 2024. 

Nang tanungin si Rodjun kung may plano sila ni Dianne na magka-baby number 3, tugon ni Rodjun, “Okay na po, Tito Boy. Dalawa lang po,.” – FRJ GMA Integrated News