Inihayag ni Rufa Mae Quinto na bumalik na siya sa Pilipinas matapos na mamalagi ng ilang linggo sa California, USA kasunod ng biglang pagpanaw ng kaniyang mister na si Trevor Magallanes.
Sa Instagram, nag-post ang aktres ng ilang larawan at video na kumakanta siya ng awiting “Tuwing umuulan,” na naging bahagi rin ng caption niya sa naturang post.
“Tuwing umuulan … The show must go go go on!,” saad ni Rufa Mae. “Andito na kami ng Pilipinas , para mag work.”
Patuloy pa niya sa caption, “Pero itong kanta ko practice lang to! Kasama at naiuwi ko na din asawa at anak ko.”
Ayon sa aktres, “speechless” at “shock” pa rin siya sa nangyari sa kanilang buhay.
Huling bahagi ng Hulyo nang maiulat na pumanaw si Trevor sa California pero hindi pa inihahayag ang sanhi ng pagkamatay nito.
Nakiusap noon si Rufa Mae ng privacy at huwag magpakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa nangyari sa kaniyang mister.
Bago pa man pumanaw si Trevor, inihayag ni rufa Mae na nahaharap sa pagsubok ang kanilang relasyon.
Sa kaniyang IG post, tila handa nang bumalik sa kaniyang trabaho na magpasaya si Rufa Mae sa kabila ng malungkot na pangyayari sa kaniyang pamilya.
“Wala ako masabi , kaya kakanta nalang ako. I dedicate this song to myself. I hope I like it!,” saad ng aktres. – FRJ GMA Integrated News

