Ibinahagi ni Billy Crawford na palagi siya ngayong sinasabihan ng panganay nilang anak ni Coleen Garcia na si Amari, na wala siya nang isilang ang bagong miyembro ng kanilang pamilya na si Austin.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, sinabi ni Billy na hindi natuloy ang planong panganganak ni Coleen Garcia via water birth kay Austin, gaya nang ginawa nang isilang ang panganay nilang si Amari, na magli-limang-taong-gulang na ngayon.
"Hindi na siya umabot sa pool. Hindi na umabot, actually pati ako hindi umabot. I wasn't there when Austin was born. I was on the airplane on my way back home," sabi ni Billy.
Kaya palagi raw siyang sinasabihan ngayong ni Amari na wala siya noong mga sandali na isinilang si Austin.
"Si Amari hindi niya ako tinantanan na araw-araw niya sinasabihan, 'You weren't there when Austin was born.' Oo kaya masakit, masakit magsalita ang anak ko," biro ni Billy na isa sa mga coach sa "The Voice Kids Philippines.”
Kuwento pa ni Billy, napakabilis ng mga pangyayari at ang unang text pa na natanggap niya mula sa pinsan ni Coleen ay noong manganganak na ang kaniyang asawa.
"Twelve, 24 hours pa 'yan. Okay, [a] few minutes later, 'Ate gave birth.' So 'yun 'yung hindi ko alam kung anong gagawin ko but I just feel so happy Tito Boy, so blessed," sabi niya.
Sa kaniyang guesting, ibinahagi rin ni Billy kung gaano ka-excited na si Amari na maging isang kuya. Dagdag niya, mayroong hindi pa na-upload na video si Amari na hinahanap siya habang nanganganak si Coleen.
"Sabi niya du’n sa video, tumingin siya sa camera, sabi niya, 'Where's Billy?' Nawala na 'yung daddy [na tawag sa kaniya], 'Where's Billy?' So 'yun ang pinaalala ng anak ko," kuwento niya.
"May diskoneksyon kami ni Amari ngayon. We have to fix the relationship, I have to be more here. Maaayos ko rin 'yun Tito Boy, balik ako rito ‘pag naayos ko na 'yun," pagbabahagi niya.
Pinuri ni Billy ang asawang si Coleen sa lahat ng sakripisyo nito para sa kanilang pamilya.
"That woman has given up everything, sacrificed her entire life for our kids and for me, especially, kaya 'yung support system ko, I have to do and I have to be more for her and for them," dagdag pa niya.
Ikinasal sina Billy at Coleen noong 2018. Isinilang si Amari noong 2020 at si Austin naman nitong nakaraang buwan. – FRJ GMA Integrated News
