Ibinahagi ng Kapuso couple na sina Joyce Pring at Juancho Triviño kung papaano nila nagagawang matatag ang kanilang samahan bilang mag-asawa. Mahigit limang taon nang kasal ang dalawa at may dalawang anak.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, binalikan kung papaanong nagsimula ang love story ng dalawa nang ipakita ang larawan nila na magkasama sa isang event na host si Joyce.

Ayon kay Juancho at Joyce, sa naturang event sila unang nagkita pero aminado ang aktor na noon pa man ay may crush na siya sa TV host na kilala na noon sa social media.

Hanggang sa magkasama silang magtrabaho bilang host sa GMA show na Unang Hirit, at doon na nabuo ang tambalan nilang “Juanchoyce,” at tuluyang nahulog ang loob nila sa isa’t isa.

Ayaw tawagin ni Tito Boy na kung ano ang kanilang "sikreto," pero inalam niya sa mag-asawa kung papaano nila nagagawang matibay ang kanilang pagsasama.

“Majority by the grace of God,” sabi ni Juancho.

Saad naman ni Joyce, “It's really understanding that marriage is a commitment that we've made not only to each other but also to God. And working really hard to love the other person more than we love ourselves.”

Ibinahagi rin ng mag-asawa ang kanilang ginagawa upang makaiwas sa tukso.

Sinagot din ng dalawa kung ano ang mas mahalaga sa respeto o pagmamahal sa isang relasyon.

“I think it goes hand in hand,” tugon ni Juancho. “I mean, I don't know kung may right answer ba du’n.”

“Pero you can't love anybody properly if you don't respect them, I feel like. So kailangan, kung sinasabing mahal mo ‘yung isang tao, dapat nirerespeto mo rin sila,” para naman kay Joyce.

Agosto 2019 nang maging engaged ang dalawa, at nagpakasal noong Pebrero 2020.
May dalawa na silang anak na sina Alonso Eliam at Agnes Eleanor. – FRJ GMA Integrated News