Daring at challenging ang pagbibidahang role ni Martin Del Rosario na isang macho dancer para sa episode ng Magpakailanman sa Sabado.

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nagpaturo pa si Martin ng macho dancing bilang paghahanda sa kaniyang role.

Ang kuwento ay tungkol kay John, na gagawin ang lahat para sa pamilya. Ayon kay Martin, pinaghandaan niya rin ang mga dramatic scene.

“Ang daming dagok, problem, challenges na dumating sa buhay ni John. Pero maganda naman sa kaniya hindi siya sumuko. Kumbaga parang lahat ng opportunity ginrab [grab] niya,” ani Martin.

Gaganap naman si Angela bilang kaniyang asawa, na hahamunin ng pagtanggap sa propesyon ng kaniyang asawa.

"Kasi nga trabaho niya is medyo, 'di ba, not so good 'pag family man, 'di ba? So parang dito ko mate-test kung gaano ko ba siya kamahal, kung tatanggapin ko pa siya, kung ano ba ang role niya sa buhay ko at tsaka sa family ko," sabi ni Angela.

Kasama rin sa episode sina Betong Sumaya, Dave Bornea at marami pang iba.

Mapanonood ang “Macho Papa Dancer” episode ng Magpakailanman itong darating na Sabado, 8:15 p.m. -- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News