Idinepensa ni Maine Mendoza ang kaniyang mister na si Quezon City 1st District Representative Arjo Atayde, na kabilang sa mga kongresista na pinangalanan ng mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya na umano'y tumanggap ng kickback o porsiyento sa mga flood control project.

Sa kanyang post sa X (dating Twitter) nitong Lunes, tinawag ni Maine ang walang basehan ang paratang laban sa kaniyang asawa. Nanawagan din siya sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng galit at hintayin na lang lumabas ang katotohanan.

“Teka lang muna, those are baseless allegations. Please refrain from throwing hate and personal attacks at him, including me and our family, until facts come out,” saad ni Maine.

Idinagdag ng TV host-actress na buo ang kaniyang suporta sa kaniyang asawa, at iginiit na wala itong ginagawang masama at ginagampanan lang ang tungkulin para magsilbi sa mga tao. Ipinagdasal rin niya na ang mga tunay na responsable ang managot, at hindi madamay ang mga inosente.

“I am with my husband in this. Wala siyang ginagawang masama sa loob. He has been doing his best to serve the people of his district in Quezon City since the beginning,” sabi ni Maine.

“I sincerely hope and pray that the people who are TRULY responsible will be held accountable and that innocent individuals be spared from this mess. Napaka-unfair,” dagdag niya.

Matapos ang pahayag ng mag-asawang Discaya sa Senado, naglabas kaagad ng pahayag si Arjo sa kanyang Instagram Stories upang itanggi ang alegasyon. Giit niya, hindi siya kailanman nakipagtransaksyon sa mga kontratista o nakinabang sa anumang kasunduan.

"Hindi totoo ang mga akusasyon na ito. I have never used my position for personal gain, and I never will," sabi ni Arjo, sabay pangako na gagamitin niya ang legal na hakbang para malinis ang kaniyang pangalan at papanagutin ang mga nagkakalat ng maling pahayag.

Taong 2023 nang ikasal sina Maine at Arjo. -- Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News