Makikilala sa longest running gag show na “Bubble Gang” ang bagong parody character ni Michael V na si Ciala Dismaya.

Sa Instagram, may pasulyap ang Bubble Gang sa pinakabagong spoof ng Kapuso comedy genius.

Sa kaniyang karakter, makikita si Michael na nakasuot ng puting blazer sa ibabaw ng isang gray top, na may bob cut wig at isang signature na nunal.

Hawig ni Ciala Dismya ang kontratistang si Sarah Discaya, na nasasangkot sa isyu ng maanomalya umanong flood control projects.

“Ang pinag-uusapan ng lahat, pinangalanan na!” saad ng Bubble Gang sa caption.



Sa isa pang post ng GMA Network, makikita rin si Michael V. na may dalang asul na payong.

Matatandaan na pinag-usapan ang isang panayam kay Discaya sa pagbili ng isang mamahaling sasakyan na dahil umano sa payong.

Kasunod nito ng mga ibinahagi ni Paolo Contis sa social media, kung saan una niyang isiniwalat ang buong costume ni Michael V. bilang si Ciala Dismaya.



Mapanonood ang "Bubble Gang" episode tampok si Ciala Dismaya sa Setyembre 14 ng 6:10 p.m.— Hermes Joy Tunac/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News