Sinagot ng abogado ng contractor na si Sarah Discaya ang tanong kung ikinagalit ba ng kaniyang kliyente ang paggaya rito ng Kapuso comedy genius na si Michael V. bilang si “Ciala Dismaya.”
“Hindi po. Okay lang sa kaniya,” ayon kay Atty. Cornelio Samaniego III sa ambush interview nitong Miyerkules. “Alam mo naman si Sir Bitoy [Michael V], talaga namang, idol ko nga ‘yan.”
Sinabi rin ni Samaniego na batid ni Sarah ang skit na gagawin na hango sa kasalukuyang kontrobersiya tungkol sa flood control project na kinasasangkutan ng kaniyang kliyente.
Saad ng abogado, walang "violent reaction" tungkol dito ang kaniyang kliyente.
“Nirerespeto natin si Michael V., idol natin iyan sa ‘Bubble Gang.’ Trabaho niya ‘yan. Parang ako, abogado, trabaho ko ito. Si Sir Michael, trabaho niya yun. Doon siya kilala. So, bakit tayo magagalit?” paliwanag niya.
Nitong Martes, ipinasilip ni Michael V ang karakter na si “Ciala Dismaya,” na hawig kay Sarah, nang dumalo ang huli kamakailan sa Senate Blue Ribbon Committee.
Mapapanood si Ciala Dismaya sa “Bubble Gang” sa Linggo, September 14, sa ganap na 6:10 p.m. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

