Isang single parent si Candy Pangilinan na nakatuon ang atensyon sa pag-aalaga sa kaniyang anak na si Quentin na may special needs. Kumusta naman kaya estado ng kaniyang puso pagdating sa lovelife?

Sa vodcast na “Your Honor,” tinanong si Candy kung ano ang kaniyang ginagawa sa tuwing nami-miss ang magkaroon ng nobyo.

“Bumabarkada, uma-accept ng date, tapos pagkatapos ng konting oras napapagod din ako,” birong sabi ni Candy.

“Sayang oras, inaantok na ako. Importante ang tulog. Maaga ako bukas, magigising ang anak ko,’” biro pa niya na tumatakbo raw sa isip niya minsan sa tuwing nakikipag-date.

Inilahad ni Candy ang kondisyon niya pagdating sa manliligaw sa kaniya.

“Pero kailangan kasi 'yung lalaki will enter your life and willing to be part of my life. 'Yung siya 'yung papasok, hindi 'yung papasok muna ako sa kaniya saka siya papasok. Hindi, dapat siya 'yung pumasok. 'Yung mag-blend in para sumwak,” sabi niya.


Bagama’t bukas sa bagong pag-ibig, sinabi ni Candy na hindi niya ito hinahanap sa ngayon.

“Kung darating, darating. Dumating din sa ganu’n eh. 'Yung hanap ka nang hanap, ‘di ba parang hanap ako nang hanap, nakakapagod na, tama na, sayang oras. Kung darating, darating,” paliwanag niya.

Ayon pa kay Candy, natuto rin siya sa anak na si Quentin, na nasa autism spectrum, na maging kontento sa kung ano ang mayroon.

“Siguro dahil natuto rin ako kay Quentin. Kung anong meron du’n tayo. Kung anong wala tayo, huwag na natin hangarin. Kung anong dumating, thank you,” dagdag pa niya.—FRJ GMA Integrated News