Ikinatuwa ni Michael V. na hindi galit sa kaniya ang contractor na si Sarah Discaya matapos niya itong gayahin bilang si “Ciala Dismaya.”

“Natuwa ako, siyempre,” sabi ni Michael nang makapanayam ng mga reporter sa book launch ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee.

“Nakahinga ako nang maluwag. Kasi siyempre, nu’ng nag-spread ‘yung rumors na oh hindi nagustuhan at baka grounds para magdemanda, parang for me, we’ve been doing this for a long time. Na ginawa ko na nga dati si President GMA, President Erap, President Duterte, parang never naman nangyari ‘to eh. So confident ako na hindi naman gagawin,” dagdag ng Comedy Genius.

“True enough, parang mga fans pa nga raw sila ng ‘Bubble Gang,’ so parang looking forward pa silang manood,” dagdag pa ni Michael.

Sa 30 taon na ng gag show, ipinunto ni Bitoy na “never talaga kaming nang-offend. Never kaming nag-yurak ng mga tao. Ako especially, nilalagyan ko ng limitations kung anong puwede at ‘di pwede.”

Kamulatan ng publiko

Tungkol sa paglikha niya sa karakter ni Ciala Dismaya, na impersonation ni Discaya, sabi ni Michael, “May clamor para dito sa character so we had to do it.”

Inilahad ni Bitoy na ang kaniyang plataporma at sketches ay mga paraan para magbigay kamulatan sa publiko.

“Feeling ko, kung makakatulong ‘to sa pag-create ng awareness sa mga totoong nangyayari, sa issue na nangyayari sa bansa natin, edi sige. By all memes.”

Sa kabila nito, inilahad ni Michael na hindi rin siya natutuwa sa kasalukuyang isyu ng mga maanomalyang flood control project.

“Loyal taxpayers kami ng asawa ko eh. Madalas, nag-uusap kami about migrating sa ibang bansa. Sinasabi ko lagi, hindi, dito lang tayo kasi mahal ko ‘yung bansa,” sabi niya.

“Hindi naman sa walang fault ang Pilipinas o ang gobyerno natin. Marami siyempre. Kaya lang syempre, ‘yung hope na sana one day magbago at sinasakyan ko pa rin. Kailangan umasa na may pag-asa.”

Mapanonood si Bitoy bilang si Ciala Dismaya nitong Setyembre 14 sa Bubble Gang ng 6:10 p.m. sa GMA Network. — Jamil Santos/Nika Roque/VBL GMA Integrated News