Kilalanin ang ka-look-alike ng dating housemate sa Pinoy Big Brother Celebrity Edition na si Esnyr, at ang kontrobersiyal ngayon na si Sarah Discaya, na iniuugnay sa usapin ng flood control projects.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” nakita nila sa Marinduque ang kahawig ni Esnyr na si Alvin Ricaflanca.

"Ako 'yung nawawalang kapatid ni Esnyr. Ako 'yung kakambal ni Esnyr," biro ni Alvin, na aminadong marami ang nagsasabi sa kaniya ng pagiging magkamuka nila ng content creator.

"Mas Esnyr pa siya kay Esnyr," sabi ng isa niyang kaibigan.

Unang nag-viral si Alvin sa social media nang may palihim na nag-video sa kaniya. Maging si Esnyr, napansin ang naturang video.

Sinabi ni Alvin, na hindi siya sanay sa harap ng camera katulad ng Esnyr kaya nagulat siya nang mag-viral ang naturang video.

Ayon pa kay Alvin, super fan siya ni Esnyr at lagi niyang pinapanood ang mga content nito.

"Hindi ako makakatulog nang hindi nanonood ng mga vlogs niya," pahayag niya.

Samantala, sa Zamboanga del Norte naman nakita ang ka-look-alike ni Sarah Discaya na si Ronia Gracia Caragan.

Ayon kay Ronia, nag-viral ang larawan niya na kahawig ni Sarah nang dumalo siya sa blessing ng clinic ng isang kaibigan.

Bagaman magkapareho sila ng gupit at kulay ng buhok, hugis ng mukha, at parehong nakasalamin, aminado si Ronia na peke ang kaniyang nunal.

"Nakaplano na talaga na magpapagupit ako para new look sana. Hindi ko na inakala na sisikat pala si Discaya," paglilinaw niya.

Pero ang isang pagkakatulad daw talaga nila ni Sarah, iyon ay ang pareho silang galing sa pamilya ng mga kontraktista.

Tunghayan sa video ng KMJS ang buong kuwento. – FRJ GMA Integrated News