Tinanggihan ng Court of Appeals (CA) ang petisyon na inihain ng kapatid at mga kamag-anak ng yumaong direktor ng pelikula na si Wenn Deramas na isailalim sa DNA test ang mga anak nito na sina Gabriel at Raphaella, kaugnay ng alitan sa mga ari-arian.

Sa isang desisyong may petsang Setyembre 8, sinabi ng 15th Division ng CA na nagkamali ang mga nagpetisyon sa pag-uugnay ng sexual orientation sa kawalan ng kakayahang magkaanak.

“Certainly, the denial of a motion for DNA testing is warranted when the request is premised solely on such tenuous or insubstantial grounds,” ayon sa CA, na kinatigan ang naunang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court, Branch 105.

“This holds true all the more in this case where petitioners’ allegations are met with Raphaella and Gabriel’s certificates of live birth, which, as public documents, carry considerable evidentiary weight, such that a high degree of proof is needed to overthrow the presumption of the truth contained in such public documents,” dagdag nito.

Nakapaloob sa kaso ang dalawang parcel ng lupa sa Quezon City, gayundin ang mga bank savings at checking accounts ni Deramas.

Inihain ng kapatid, at mga pamangkin ni Deramas ang kaso matapos nilang matuklasan na nailipat na umano ng mga anak ang mga ari-arian ng namayapang director sa kanilang pangalan.

Ayon sa CA, sinabi ng mga petisyoner na hindi pormal na inampon ni Deramas sina Gabriel at Raphaella noong 2000 at 2010, ayon sa pagkakasunod. Hinikayat din umano ni Deramas ang kaibigan niyang si Ariane Manalo na gawin ang pareho.

Dahil si Manalo ay isang lesbiyana at si Deramas ay isang gay, iginiit ng mga petisyoner na “they could not have sired Gabriel and Raphaella," ayon sa CA. Idinagdag pa ng CA na sinabi ng mga petisyoner na hindi naman ikinasal sina Deramas at Manalo.

Gayunman, nakasaad sa mga sertipiko ng kapanganakan nina Gabriel at Raphaella na si Deramas ang kanilang ama at si Manalo ang kanilang ina.

Sa kanilang petisyon, hiniling ng kapatid ni Deramas at iba pang kamag-anak na baligtarin ng CA ang desisyon ng QC RTC at utusan itong maglabas ng kautusan para pahintulutan ang pagsasagawa ng DNA testing.

Pumanaw si Deramas noong Pebrero 2016. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News