Pumanaw na sa edad ma 89 si Robert Redford, isang aktor sa Hollywood, direktor, producer, at kilalang tagasuporta ng mga independent films sa pamamagitan ng kaniyang Sundance Institute, ayon sa kaniyang publicist.

Sa email sa Reuters, sinabi ni Cindi Berger, CEO ng publicity firm na Rogers & Cowan PMK, binawian ng buhay si Redford sa kanilang tahanan sa Sundance, sa kabundukan ng Utah, na napapalibutan ng kaniyang mga mahal sa buhay.

Hindi tinukoy ni Berger ang dahilan ng pagpanaw ng Hollywood legend.

Kabilang sa mga pelikulang ginawa ni Redford ay "All the President's Men," "The Great Gatsby," "Out of Africa," at "Butch Cassidy and the Sundance Kid."

Lumabas din siya bilang Alexander Pierce sa mga pelikulang "Avengers: Endgame" at "Captain America: The Winter Soldier." — mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News