Inihayag ni Bianca Umali na mayroong “panibagong” yugto na aasahan ang mga sumusubaybay sa Kapuso Primetime series na "Encantadia Chronicles: Sang'gre."
Sa mini fan event live sa "Unang Hirit" nitong Miyerkoles, tinanong si Bianca Umali kung ma-e-extend ba ang "Sang'gre."
"We cannot go into detail pero siguro ngayon namin masasabi na meron nang panibagong yugto," saad ni Bianca.
Natanong naman sina Kelvin Miranda at Angel Guardian tungkol sa namumuong magandang pagtitinginan ng mga karakter nilang sina Adamus at Deia sa teleserye.
"Kailangan nila abangan 'yung journey din ng pagkakakilala nina Deia at Adamus, kung talaga bang sila ay magkakatuluyan o pawang haka-haka lang dahil sa kakaibang personalidad at pagkatao ni Deia," ayon kay Kelvin.
Nagpasalamat naman si Bianca sa suporta ng fans at viewers kaya nagiging matagumpay ang kanilang proyekto.
"Ang tagal na panahon ang ginugol namin para mabuo ang proyekto na ‘to, and the fact na natapos namin buuin was already a success for all of us. That was two years of shooting this project," ani Bianca.
"Kung paano kami tinatangkilik is already a bonus. Lahat po ito ngayon ay biyaya na po sa amin, and we are grateful," she added. "Wala po kami sa kinaroroonan namin ngayon kung hindi po dahil sa taga suporta namin, sa lahat ng Encatadiks, at sa mga Kapuso na nanonood," dagdag niya.
Sa bagong episode ng "Encantandia Chronicles: Sang'gre," nagkasama-sama na ang bagong henerasyon na tagapangalaga ng mahiwagang mga bato na sina — Terra (Bianca Umali), Deia (Angel Guardian), Flammara (Faith Da Silva), and Adamus (Kelvin Miranda).
Napapanood ang "Encantadia Chronicles: Sang'gre" sa GMA Network mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 8 p.m. matapos ang "24 Oras." Napapanood ito sa online via Kapuso Stream sa YouTube. —FRJ GMA Integrated News

