Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court ang tatlong kasong criminal na isinampa laban sa drag artist na si Amadeus Fernando Pagente, na kilala bilang si Pura Luka Vega.
Sa 25-pahinang joint resolution na may petsang September 19, na ibinahagi ni Pura Luka Vega sa GMA News Online, nakasaad na pinagbigyan ng Quezon City RTC Branch 306 ang petisyon ng kampo ng drag artist para sa demurrer to evidence, at pagbasura sa tatlong kaso ng paglabag sa Article 201 par. 2(b)(3) ng Revised Penal Code (RPC) in relation to Sec. 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012, na ikinaso laban sa kaniya.
Pinapatawan ng parusa ang sinomang lalabag sa Article 201 para sa "immoral doctrines, obscene publications and exhibitions, and indecent shows."
Ang demurrer to evidence ay legal na mekanismo para kuwestiyunin ang mga ebidensiya ng prosekusyon kung may sapat na katibayan para patunayan sa korte ang “guilt beyond reasonable doubt” ng inihahabla.
Binanggit ng korte ang dalawang pangunahing usapin na dahilan sa pagbasura sa kaso gaya ng hindi pagkakasama ng mahalagang video bilang ebidensya at kawalan ng legal na kapasidad ng nagsampa ng kaso.
Sa unang usapin, sinabi ng korte na nabigo ang prosekusyon na maipakita nang maayos ang pagiging totoo at integridad ng pangunahing video na ebidensya na ginamit na magpapatunay sa kontrobersiyal na pagtatanghal ni Pura Luka Vega.
Sa ikalawang usapin, natuklasan ng hukuman na ang tatlong pribadong complainant ay walang legal na karapatan o personalidad upang magsampa ng kaso.
Sa pagbibigay ng demurrer to evidence, sinabi ng hukuman na hindi sapat ang mga ebidensyang iniharap upang mapatunayan ang pagkakasala ang nasasakdal kaya ibinasura ang mga kaso.
Sinabi ni Luka sa GMA News Online noong Biyernes na hinihintay pa rin nila ang pinal na desisyon ng korte dahil maaaring magsampa pa ng motion for reconsideration ang mga nagreklamo laban sa kaniya.
“Prayers answered. Thank you Lord!” pagbahagi nila sa naging desisyon sa X.
Agosto 2023 nang magsampa ng reklamo ang grupong Hijos Del Nazareno laban kay Pura Luka Vega dahil sa kaniyang viral na drag performance ng "Ama Namin" habang nakabihis na parang si Hesukristo.
Sa kanilang reklamo, sinabi ng grupo na ang mga kilos at gawi ng artist ay "acts and actuations constitute a direct attack on our Lord, our God and savior, Jesus Christ."
Sa isang panayam ng GMA News Online noong Hulyo 2023, sinabi ng drag artist na ang kanilang pagtatanghal ay “to embody a version of Christ that is one with the queer audience."
Nitong nakaraang Hunyo 2025, pinawalang-sala rin si Pura ng Manila Regional Trial Court sa kasong paglabag sa Article 201. — mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News
