Nakangiti ang singer at komedyanteng si Ate Gay sa mga larawan na kaniyang ibinahagi sa social media na pagpapakita ng mukha ng pag-asa sa kaniyang laban sa stage 4 cancer:
Nitong Lunes, inihayag ni Ate Gay sa kaniyang Facebook post na nagtungo siya sa Asian Hospital and Medical Center.
“Nabigyan ako ng pag asa…. Thank you sa Dasal,” saad ng komedyante na may kasamang heart emojis at larawan niya na masaya kasama ang dalawang babae na nakauniporme na pang-ospital.
Sa hiwalay na post, sinabi rin ni Ate Gay na lumalakas siya dahil sa mga dasal at muli niyang binanggit ang naturang ospital.
“Lumalakas ako dahil sa mga dasal nyo… salamat sa Anghel sa Lupa at dinala nya ako dito sa ASIAN HOSPITAL,” saad niya.
Bukod dito, ibinahagi rin ni Ate Gay ang kasiyahan sa mensaheng natanggap niya mula sa crush niyang Dominique Roque.
“Mukhang mapapabilis Ang paggaling ko dahil nag Dm Ang crushkong si Dominique Roque … grabe kayong lahat sa akin.. sobra nyo akong minahal (heart emojis) anlakas makaenergy,” saad pa niya na sinamahan ng lumang larawan na magkasama sila ng aktor.
Bago nito, nag-post din si Ate Gay tungkol sa pagbisita sa kaniya ng isang duktor at nagbigay ng mga payo kung papaano niya malalampasan ang kaniyang laban sa cancer.
“Dinalaw ako ng isang doctor…Di daw sya makatulog at pano nya ako tutulungan.. isa daw po sya sa napapatawa ko kaya bilang pasasalamat ay agad nya akong hinanap… Dr.Ramos,” pagbahagi ni Ate Gay.
“Nagbigay sa akin ng Oras na chikahan kung pano ko malalagpasan Ang sakit ko (heart at prayer emojis) maraming salamat po Doc…,” patuloy niya.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, inilahad ni Ate Gay ang kaniyang pakikipaglaban sa kaniyang stage 4 cancer na natuklasan matapos siyang magtanghal sa isang lalawigan.
BASAHIN: Ate Gay na nakikipaglaban sa stage 4 cancer: ‘Sana mabuhay pa ako nang matagal…’
Aniya, nitong nakaraang Pebrero nang mapansin niya ang bukol sa kaniyang leeg na inakala niyang beke lang.
Sa unang pagsusuri, lumitaw na benign o hindi cancerous ang bukol. Kaya nagawa pa niyang makapagtrabaho at makapag-show sa ibang bansa.
Ngunit nang muli siyang magpasuri matapos na dumugo ang bukol, doon na natuklasan na malala na ang cancer niya na mucoepidermoid squamous cell carcinoma.
“Mahirap ngayon ang lagay ko. May kanser ako, stage 4 daw,” saad niya.
Umaasa si Ate Gay sa himala kaya humihingi siya ng panalangin para sa kaniyang paggaling dahil nais pa niyang mabuhay upang patuloy na makapagpasaya ng mga tao.—FRJ GMA Integrated News

