Kaaabangan ang guesting ng Unkabogable Star na si Vice Ganda sa “Bubble Gang”!

Sa kaniyang Instagram Stories, ibinahagi ni Vice ang isang larawan ng bouquet ng mga white rose, na may nakasulat na note: “Dear Vice, Thank you for guesting. Batang Bubble ka na!”

Nilagyan din ito ni Vice ng mga emoji na happy face at heart.

Nito ring Martes, isang executive ng “Bubble Gang” ang nagkumpirma sa GMA News Online na magiging guest ang "It's Showtime" host sa longest-running gag show.

"Yes, he will," pagkumpirma ng Bubble Gang executive sa isang mensahe sa Viber nang tanungin kung nakatakdang mag-guest si Vice sa programa.

Nauna nang inihayag ni Vice sa GMA Integrated News na pangarap niyang mag-guest sa Bubble Gang.

"Nag-aantay lang din naman ako ng imbitasyon at saka kung anong gagawin," sabi niya.

Nag-guest na rin si Michael V. sa “It’s Showtime!” noong 2023, at nagpahayag na gusto rin niyang bumisita si Vice sa kanilang comedy show. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News