Magkahalong luha't tawanan ang regalong hatid ng mga Christmas song sa buhay ni Manilyn Reynes.
Sa kaniyang guesting sa vodcast na "Your Honor!", binalikan ni Manilyn ang mga alaala ng kaniyang kabataan tuwing kapaskuhan sa Cebu.
"Ang naaalala ko kasi kapag Pasko, 'yung ang simple-simple ng buhay namin sa Cebu. So, 'yun lagi. Kaya ako naiiyak… Tuwing Pasko kasi, the eve, so andiyan ang regalo. Sa simpleng bahay mo, sa simpleng maliit na tree mo, gano'n," kuwento niya.
Naging emosyonal si Manilyn nang maalala ang isang larawan na binibigyan siya ng regalo ng kaniyang ama.
"Bubuksan namin 'yung gift namin. Hindi namin sisirain 'yung wrapper niya. Kinabukasan kasi, magpi-picture kami. So, I have a picture of my dad na binibigyan ako ng regalo, na picture 'yun. 'Yung gano'n kasimple. So, naaalala ko lang lagi," sabi ng "Pepito Manaloto" star.
Kaya ang kaniyang pagiging emosyonal sa tuwing nakaririnig ng mga kantang pampasko, nadadala niya kahit sa mga pampublikong lugar at nasasaksihan din ng kaniyang pamilya.
"Sa mall na. Eh 'di Ber [months] na, 'di ba? Simula na 'yung mga tugtog. So kasama ko 'yung mga bata. Alam din ng mga bata 'to, siyempre tsaka ni Kuya Aljon mo [na mister ko]. 'Di eto na. Tumitingin ako ng mga bubbles, 'yung mga ball. Ganda, so, naghahanap ako ng a bit bigger."
Hanggang sa tumugtog ang sikat na kanta ni Jose Mari Chan na "Christmas in Our Hearts." Habang kausap ang isang salesman, hindi mapigilan ni Mane na maiyak.
"Lumapit ako. 'Kuya meron pa pong mas malaking…'" kuwento ni Manilyn, na naiiyak na noon habang tinatanong ang salesman.
Hindi naiwasan ng salesman na mag-alala para may Manilyn.
"Sabi talaga ng kuya, 'Ay, ma'am, okay lang kayo?' 'Opo okay lang po ako, kuya. Pero may mas malaki po ba dito po?'" kuwento niya, kaya natawa ang mga nasa studio.
Maging ang kaniyang mga anak, napapatingin sa kaniya sa tuwing may pinatutugtog na Christmas songs.
"Tinatawid ko. Tsaka 'pag din nagtutulak kami [ng pushcart], sabi ng mga bata, 'pag tumugtog, 'Hala mom!'"
Kuwento pa ni Manilyn, bully ang kaniyang mga kasamahan sa Pepito Manaloto kaya tinutugtugan din siya ng mga ito ng mga kantang pampasko.
Napanonood ang "Pepito Manaloto - Tuloy Ang Kuwento" tuwing Sabado ng 6:15 p.m. — VDV GMA Integrated News
