Kinumpirma ni Jeric Raval na mayroon nang dalawang supling ang anak niyang si AJ Raval at partner nito na si Aljur Abrenica.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, natanong si Jeric ni Tito Boy tungkol sa bilang ng kaniyang mga apo.

“Labinglima na ngayon. Noong nakaraang nag-guest ako rito, 13 lang sila,” sabi ni Jeric.

Nag-follow-up na tanong si Tito Boy kung nagalit ba sa kaniya sina AJ at Aljur sa biglaan niyang pag-amin.

“Actually, nadulas lang ako noon eh. Ang totoo niyan nadulas lang ako doon sa presscon namin, mayroon akong kausap dito. Na-overwhelm lang ako na normal lang na kuwentuhan,” panimula ni Jeric.

“Noong nandoon na ako sa mesa, tinanong na ako. Ano ang sasabihin ko? Hindi ko naman puwedeng i-deny, nasabi ko na kanina eh. Ang pangit naman, mukha naman akong sinungaling,” patuloy niya.

Matapos nito, tinanong daw siya ng anak na si AJ tungkol sa kaniyang pag-amin sa interview.

“Oo kako, nasabi ko na eh. Anyway lalabas din ‘yan,” kuwento ng aktor.

Nagbiro pa ang veteran action star na napaamin siya kung kailan hindi na ito laman ng mga usapin.

“Noong unang-unang bali-balita, wala ‘yun, hindi totoo ‘yun. ‘Yung totoo, ‘yung panahon na hindi naman na nababalita, nasabi ko. ‘Yung panahon na hindi na pinag-uusapan, doon ko naman nasabi. Diyos ko, ano ba ‘yun? Daldal mo kasi eh,” saad niya.

Inalala pa ni Jeric na nagkamali pa siya sa pag-amin dahil babae pala ang panganay na anak nina AJ at Aljur, at hindi lalaki.

Isang lalaki naman ang bunso ng mag-partner.

Kinumusta rin ni Tito Boy sina AJ at Aljur kay Jeric.

“Okay naman. In fact two nights ago nandoon kami sa Angeles. Okay naman. Happy naman sila,” ani Jeric, na aprobado kay Aljur bilang partner ng kaniyang anak.

“Alam mo naman Kuya Boy, hindi naman papasa sa akin… Parang ikaw din. Hindi naman papasa sa iyo ang isang tao ‘pag no good,” dagdag niya.

Isinapubliko nina AJ at Aljur ang kanilang relasyon Valentines Day noong 2023.

May dalawang anak din si Aljur sa dati niyang asawa na si Kylie Padilla. Ikinasal sila noong 2018 ngunit naghiwalay noong 2021.

Gayunman, itinanggi ni AJ na siya ang third party na naging sanhi ng breakup nina Aljur at Kylie. -- FRJ GMA Integrated News