Kilig ang hatid nina Jackie Gonzaga at Darren Espanto sa tuwing magkasama sila sa noontime show na “It’s Showtime” at binansagang “Dakie” ang kanilang loveteam. Ano nga ba ang estado ng relasyon ng dalawa? Alamin.
Sa guesting nila ng kapwa “It’s Showtime” host na si Cianne Dominguez sa “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Huwebes, diretsahang tinanong si Jackie ni Tito Boy kung sila na ni Darren.
“Tito Boy, hindi naman po. Hindi po kami ni Darren,” nakangiting tugon ni Jackie.
“Nanliligaw?” follow-up na tanong ni Tito Boy.
“Hindi naman din po,” sagot ni Jackie. “Malalaman natin. Gusto mo ba?” natatawang tanong ni Jackie para kay Darren.
“Sa amin po kami sa It’s Showtime sobrang close po naming lahat. ‘Yung relationship namin talaga roon, iba po talaga. Kasi everyday tito, talagang [magkasama],” paliwanag niya.
Sa kaniyang pagsalang sa Fast Talk segment, sumagot si Jackie na “mas bata” ang kaniyang dine-date.
Kaya naman tinanong muli ni Tito Boy kung si Darren ito.
Pero paglilinaw naman ni Jackie, “Tito Boy, lately ‘yung mga lumalapit sa akin younger talaga sa akin.” – FRJ GMA Integrated News
