Inihayag ng “It’s Showtime” host na si Cianne Dominguez na matapang niyang hinarap at pinatawad na ang lalaking nang-harass at nagtangkang humalik sa kaniya noong nakaraang taon.

Sa guesting nila ni Jackie Gonzaga sa “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Huwebes, positibong tumugon si Cianne na tapos na ang insidenteng nangyari sa kaniya at ng lalaking isang gay bar dancer-performer.

Kung mayroon mang leksiyong natutunan si Cianne sa insidente, ito raw ay ang maging mapagpatawad.

“Kasi ako, mabigat sa loob ko na hindi mag-forgive na kahit anong gawin sa akin,” pagpapatuloy niya.

Idinetalye ni Cianne ang naging usapan nila noon ng lalaki nang magkaharap sila sa korte.

“Hinarap ko po siya. As in. Matapang naman po ako sa ganoong klaseng bagay. Talagang inano ko naman siya na, 'Kung nag-sorry ka lang sa akin noong una papatawarin naman kita.' Nilabanan niya kasi ako, so binigyan ko siya… hinayaan ko kung ano ang puwedeng mangyari,” sabi niya.

Kinausap pa niya ang kaniyang harasser na magbagong-loob noong magkaroon sila ng aregluhan.

“Actually ngayon ko lang ito sasabihin. Noong lumabas kami noong kinausap ko siya, sabi ko, 'Sana nakita mo si Lord sa loob, sana parang nagkaroon ka ng relationship with Him sa loob,'" kuwento niya.

"Like ‘yung parang inaareglo na namin. ‘Yung mga hearing na po. Triny kami na pag-ayusin," pagpapatuloy ni Cianne.

Dahil sa kaniyang sinabi, napaiyak umano ang lalaki.

“Yes daw po. Umiiyak pa po siya. Tapos pinag-pray ko siya,” anang It’s Showtime Sexy babe.

Pinasalamatan niya si Jackie, na nagsilbi niyang tagapagtanggol noong iulat nila sa mga awtoridad ang insidente.

“Sinamahan ko siya sa presinto. Parang ako ‘yung nag-i-interrogate na ‘Ba't mo siya sinundan?'” kuwento ni Jackie.

Batay sa ulat ng GMA Network, hinarass umano ng lalaki si Cianne at tinangka itong halikan sa condominium unit ng dalaga gabi ng Abril 11, 2024. Nahuli noon ang lalaki at inilagay sa kustodiya ng mga pulis, at naharap sa mga kasong Violence Against Women and Children (VAWC) at trespassing.