Sa video podcast ni Kara David na “i-Listen,” ikinuwento ng Tiktok sensation na si Armando Macasusi, o mas kilala bilang si Arman Salon, na todo-kayod siya noon para tustusan ang pangangailangan ng lima niyang anak bilang single parent. 

Bagaman miyembro ng LGBTQIA+ community, nagkaroon siya ng limang anak sa dalawang babae. Ngunit parehong nauwi sa hiwalayan ang pakikisama niya sa mga ina ng kaniyang anak kaya naging single parent siya.

“Ginawa ko lahat. Katulad niyan, may bahay ako, para sa mga anak ko 'yon. 'Yung hindi ko naramdaman sa mga magulang ko, ipinaramdam ko naman sa mga anak ko. Gusto ko, mawala man ako, may bahay sila kahit na maliit lang ang bahay namin,” sabi ni Arman.

“Ipinagdadasal ko na maging mabait ang mga anak ko. Hindi ako nagsasalita ng masasakit. Saka ipinaparamdam ko na mahal ko sila,” dagdag niya.

Bilang isang single father, sinabi ni Arman na naglako siya ng diyaryo, banana que, turon at fishball kahit bumabagyo.

Kalaunan, natuto rin si Arman na maggupit. Sa kita niyang P20 kada gupit, kumikita na siya noon ng P300 hanggang P400 kada araw para sa mga anak.

Emosyonal si Arman nang maalala na walang-wala siyang pera noon nang maospital ang isa sa kaniyang mga anak, at kailangan niya itong iwan para maghanapbuhay.

“Pumunta ako sa mga iskwater, naggugupit-gupit ako. Tapos sabi ko sa may karinderya, ‘Ate, baka puwedeng pabili ng kanin. Hingi na lang ako ng sabaw.’ Para ‘pag naggupit ako, malakas ako, makapaggupit ako nang maayos,” naluluha niyang kuwento.

“Minsan ‘pag wala kang pera, minsan naglalakad ka, hindi mo pala alam malayo na. Kanina sa jeep, ay lumagpas na dahil sa kakaisip mo kung saan ka kukuha ng pera,” patuloy niya.

Bilang ama naman, nakikiramdam daw si Arman tuwing may problema ang kaniyang mga anak.

“Kunwari nag-aaway sila. Hindi ako nakikisawsaw,” sabi niya.

Kung nagkakaroon din ng away ang mga anak sa mga asawa nito, si Arman ang gumagawa ng paraan para sila magkasundo.

“Ako 'yung biyenan na gumagawa ng paraan para magkadikit. Hindi ako 'yung biyenan na nagsusulsol,” pagbahagi ni Arman, na mayroon na ngayon na limang apo. – FRJ GMA Integrated News