Nagkaroon ng hindi magandang karanasan si Dasuri Choi sa kaniyang solo trip sa France. Bukod sa nawala ang isa niyang maleta, nabiktima rin umano siya ng “hacking” nang gumamit siya ng public Wi-Fi na naging dahilan para makompromiso ang kaniyang bank at e-wallet accounts.

Sa TikTok, ikinuwento ni Dasuri na nawala ang maleta niya nang sumakay siya ng tren papunta sa Marseille.

"Nawala 'yung isang luggage ko, the old one na dinala ko from Philippines," saad niya.

Bago nito, sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, sinabi ni Dasuri na naramdaman niya ang pangangailangan na bumili ng bagong maleta.

"Tapos, I made all the things separated. So, 'yung mga kailangan ko sa Switzerland, which is mga jackets, 'yung mga makakapal. Tapos, 'yung mga important things, nilagay ko ditto [sa bago]," saad niya.

Kabilang umano sa nawala kay Dasuri ang binili niyang winter jackets at ilan pang gamit na nagkakahalaga ng P17,000.

"But, at least, 'yung mga pinaka-important things nandito, 'yung mga papers, 'yung mga kailangan ko ngayon," patuloy niya.

Aminado rin naman si Dasuri na may kasalanan din siya sa pagkawala ng kaniyang maleta, at sadya raw mahirap bumiyahe na mag-isa.

"I don't know when they got it. Hindi ako nakatulog eh. May mga stations na bumaba sila. So, be careful lang whenever there is station na you are not going down, but people are going down. You have to always check your luggage. That's it. It's my fault," paliwanag niya.

Sa caption sa kaniyang post, sinabi rin ni Dasuri na nakompromiso ang dalawa niyang bank accounts matapos umano siyang ma-hacked nang gumamit siya ng public Wi-Fi sa tren. Hindi umano niya binuksan ang dalawang apps.

Kabilang si Dasuri sa mga kalahok sa Kapuso reality show na "Stars on the Floor," na napapanood tuwing Sabado sa ganap na 7:15 p.m. pagkatapos ng "Pepito Manaloto." — Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News