Puno nang pasasalamat ang singer-comedian na si Ate Gay dahil sa positibong resulta ng radiation at chemo therapy niya sa tulong ng tinatawag niyang mga “anghel” na tumutulong sa kaniyang pagpapagamot laban sa stage 4 cancer.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa Chika Minute report sa "24 Oras" nitong Miyerkoles, kapansin-pansin na halos wala na ang bukol sa kaniyang leeg makaraang sumailalim sa radiation therapy ng ilang araw pa lang niyang ginagawa.
"Four days pa lang na radiation eh ang ganda-ganda na ng nararamdaman ko. Wala na. Halos isang kilong laman, wala na yata dito. Wala na eh, as in tapal na lang siya eh," saad ni Ate Gay.
Ayon kay Ate Gay, kailangan niya ng 35 days ng radiation at five times na chemotherapy. Pero kahit naka-isang session pa lang daw siya, makikita na ang positibong resulta.
"Umiiyak ako dahil masaya ako, hindi sa malungkot, ha. Napakasuwerte ko sa mga anghel ko. Thank you, thank you, thank you. Ang suwerte-suwerte ko," saad ni Ate Gay.
Hangad ni Ate Gay na sana ay matulungan din ang ibang katulad niyang may cancer na walang kakayahang gastusan ang pagpapagamot.
"Sana may mga libre na radiation at saka chemo na hindi lang tayo kakapit sa suwerte," ani Ate Gay.
Sa kaniyang pinagdadaanan niyang pagsubok, may mga napagtanto si Ate Gay sa kaniyang buhay.
"Minsan nakakalimutan kong magdasal. Naging nakakalimot akong magsimba. 'Pag natutulog ako, do'n lang ako nagdadasal, dapat pala oras-oras, lagi-lagi, lahat ng ginagawa mo, ipagdadasal. 'Yon ang natutunan ko dito. At saka 'wag pababayaan ang sarili. Health is wealth," pahayag niya.
Sa isang episode nitong Setyembre ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi ni Ate Gay ang kinakaharap niyang laban sa stage 4 cancer.
Matapos na maipalabas ang panayam sa kaniya, bumuhos ang tulong kay Ate Gay mula sa tinatawag niyang mga “anghel” na sumagot sa kaniyang pagpapagamot at matitirhan na malapit sa ospital sa Muntinlupa. – FRJ GMA Integrated News
