Ibinahagi ng Legaspi family--na binubuo ng mag-asawang Zoren at Carmina, at kambal nilang anak na si Cassy at Mavy—ang ilang detalye tungkol sa pamumuhay ng kanilang pamilya.

Sa GMA Integrated News Interview with Nelson Canlas, na ipinalabas sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes,  hindi naiwasan nina Zoren at Carmina na maging emosyonal tungkol sa malasakit sa kanila ng kanilang kambal na anak.

Gaya ng sikretong pagsagot ni Cassy sa hospital bills ng amang si Zoren nang maospital ang aktor ng isang buwan nang magkasakit.

“‘Yun ‘yung isang wish ng magulang. ‘Yun ‘yung fear ng mga magulang eh. Minsan, ‘pag tanda 'di ba, sasabihin sino mag-aalaga sa akin? Ako I am at peace dahil alam ko alagaan kami nitong dalawa,” ani Zoren.

Si Carmina, binalikan ang sinabi sa kaniya noon ni Mavy na pitong taong gulang pa lang kung papaano siya nito aalagaan kapag matanda na siya.

“You know what mom, when you grow older, I'm gonna carry you going up the stairs and going down,” kuwento ng aktres.

“No’ng time na ‘yon, hindi naman ako nasugatan. So talagang alam ko din na kahit tumanda kami, magkaroon kami ng sakit, alam namin na aalagaan kami ng mga anak namin,” dagdag niya.

Pagdating sa mga kritisismo sa ibinabato sa mga anak, aminado si Carmina na naapektuhan siya.

“Ako kasi, na-a-affect ako kasi why? Why? Why is this happening and why are you doing this to our family? Artista kami, oo. Open book ‘yung aming buhay pero never akong nakipag-away sa ganito. That is not me. Hindi kami gano’n,” aniya.

Pag-amin ni Carmina, hindi niya maiwasan na mangamba para sa mga anak na nalalantad na sa “real world.”

“Gusto ko, kumbaga, parang ako na lang ang masaktan, ‘wag na kayo,” aniya.

Nilinaw din ni Zoren ang ilang maling akala sa paraan nila ni Carmina sa pagpapalaki sa mga anak.

“Mali din sa mga balita na very sakal ko ‘yung dalawa. No way,” anang aktor.

Tungkol sa paraan ng pagpapalaki na ginawa sa kanila ni Mavy ng kanilang mga magulang, sabi ni Cassy, ““I think they–I think my parents, our parents, raised us perfectly as I would say.”

Bibida ang pamilya Legaspi sa upcoming Afternoon series ng GMA na “Hating Kapatid,” simuna sa October 13 sa ganap na 2:30 p.m. — FRJ GMA Integrated News