Nabuhay muli ang pagmamahal sa bayan ni Jericho Rosales matapos niyang gampanan ang papel bilang ang dating pangulo na si Manuel L. Quezon sa upcoming historical biopic na “Quezon.”
Sa media conference ng pelikula, inamin ng aktor na hindi niya naging paboritong subject noong nag-aaral ang tungkol sa kasaysayan.
“I really never liked history. I was just like falling asleep always. And because of this film, parang nabuhay ‘yung pagka-Pilipino ko, and I'm, you know, it's such a blessing. You know, the timing was perfect,” ayon sa aktor.
Nang ialok umano sa kaniya ang papel ni Quezon, agad siyang pumayag kahit hindi pa niya lubusang nauunawaan ang bigat ng karakter.
“I understand now how important history is, and I understand that the reason why I fell asleep in my history class and no’ng bata ako is because I didn't care about the country,” paliwanag niya.
Sa karanasang ito, natutunan niya na ang pagmamahal at malasakit ang nagtutulak sa isang tao upang kumilos.
“You love your family, then you move. You love your friends, then you move. You do things that no one would ever do for them because you love them,” pahayag niya.
Dahil din dito, napagtanto umano ni Jericho kung gaano kahalaga para sa mga Pilipino na kilalanin at unawain ang kasaysayan ng bayan.
“It's very important for us to understand what we love the most about our country so that we will be proud again,” ayon pa sa aktor.
Aminado rin si Jericho na malaking hamon ang pagganap sa isang tunay na tao na may mahalagang papel sa kasaysayan.
“‘Pag in-acting mo kasi, hindi na totoo eh. Kailangan maging totoo sa 'yo kaya mahirap siyang gawin. Kailangan namin na gayahin. Kaya kailangan kong maintindihan,” paliwanag niya.
Naglaan umano siya ng panahon na pag-aaral ang kilos, galaw, at personalidad ni Quezon.
“Binigyan kami ng mga materyales para pag-aralan namin. Sapat ‘yung mga binigay sa amin na materyales para malaman namin ‘yung mga pinakamaliit na kibot niya, kung ano man ‘yon. So, kaya pagkatapos ng pelikula, nakakapagod siya,” ayon kay Jericho.
Dagdag pa niya, naging emosyonal ang pagtatapos ng proyekto para sa buong cast.
“Nung pagkatapos ng pelikula, ewan ko kung ako lang ‘yun, pero karamihan sa amin naiyak. Kasi bibitawan mo na siya eh,” saad ni Jericho. “Pero napakasarap na nandiyan ka, binibigay mo ‘yung lahat mo, ta’s nandiyan silang lahat ng team namin, pati ‘yung mga actors, nagko-contribute kami sa isa't-isa.”
Kasama rin sa “Quezon,” sina Benjamin Alves, Mon Confiado, Therese Malvar, Arron Villaflor, Cris Villanueva, Romnick Sarmenta, Karylle, JC Santos, Jake Macapagal, Bodjie Pascua, Angeli Bayani, Jojit Lorenzo, Joross Gamboa, Ana Abad Santos, Ketchup Eusebio, at Nico Locco.
Sa direksyon ni Jerrold Tarog, itatampok ang buhay ni Manuel L. Quezon, isang abogado at sundalo na naging Pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas mula 1935 hanggang 1944, kasama na ang kaniyang mainit na kampanya laban kay Emilio Aguinaldo.
Ang “Quezon” ang ikatlong bahagi ng "Bayaniverse" ng TBA Studios, kasunod ng “Heneral Luna” at “Goyo: Ang Batang Heneral.
Mapapanood ito sa mga sinehan sa October 15.— mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News

