Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, tinanong si Jak Roberto kung nililigawan ba niya ang co-star niya sa "My Father's Wife" na si Kylie Padilla.

"Hindi po, hindi po," paglilinaw ni Jak kay Tito Boy. "We're so comfortable with each other kasi. Nag-work kami before sa 'Bolera' — mas ano lang, kumbaga natuwa ako sa kaniya na katrabaho dahil she's so open sa mga eksena. Wala na siyang parang mga walls and inhibitions."

Sunod na itinanong ni Tito Boy kay Jak ay kung may posibilidad kaya na ligawan niya si Kylie. Tugon dito ng aktor, “Hindi siya mahirap mahalin. Napaka-open at genuine and napakatalino kausap. So for me wala naming siguro guy na hindi ma-i-in love sa kaniya dahil ganun siya ka-genuine na tao.”

Gayunman, hindi raw niya gagawing ligawan ang aktres sa ngayon dahil mas nais niyang alagaan ang nabuo nilang pagiging magkaibigan ni Kylie, na maituturing niyang best friend na babae.

"Kung bibigyan ako ng chance siguro hindi pa ngayon kasi gusto kong ingatan 'yung kung anong meron kami ngayon bilang close na magkaibigan," ani Jak. "May ganun tito eh. 'Pag nakita mo na siya as — first time ko kasi magkakaroon ng girl best friend if ever, parang ganun na kasi 'yung treatment ko sa kaniya."

Napapanood sina Jak at Kylie sa "My Father's Wife," kasama sina Gabby Concepcion at Kazel Kinouchi.

Sa Sabado, October 11, mapapanood ang finale episode nito sa ganap na 2:30 p.m. sa GMA Afternoon Prime. —FRJ GMA Integrated News