Excited si Vice Ganda sa kaniyang guesting sa 30th anniversary special ng “Bubble Gang,” kung saan makakasama niya si Michael V sa karakter nito na si Mr. Assimo.

Sa video ng Kapuso Showbiz News, sinabi ni Vice Ganda, na natupad na ang pangarap niyang maka-collab si Michael V o Bitoy, at makalabas sa “Bubble Gang.”

“Super happy. Talagang inaano… mina-manifest ko ‘to noon pa. Dream kong makapag-‘Bubble Gang.’ So at last nandito na ‘ko. Excited ako kagabi pa lang siyempre kasama ko si Bitoy,” ayon sa host ng “It’s Showtime.”

Sinabi naman ni Bitoy na nadidinig na niya noon pa man ang mga pahayag ni Vice Ganda na nais nitong lumabas sa “Bubble Gang” kaya labis din ang kaniyang kasiyahan.

Ayon kay Vice, kokompleto sa pagiging komedyante ng isang komedyante ang makasama sa “Bubble Gang.”

“Malaki ang impact ng Bubble Gang sa comedy kasi iba’t ibang uri ng comedy yung pinapakita dito. So maraming matututo na komedyante sa pamamaraan ng pagpapatawa, so lahat ‘yon makikita sa Bubble Gang,” saad niya.

“Saka yung sinasabi ko nga, kapag komedyante ka, magkokompleto ng pagiging komedyante mo kapag nakapag-‘Bubble Gang’ ka,” dagdag pa ni Vice.

Biro naman sa kaniya ni Bitoy, “Ang galing galing mong magsalita.”

Sa anniversary special, mapapanood din sina AiAi Delas Alas, Jillian Ward, Esnyr, at ang nagbabalik na ka-Bubble na si Ogie Alcasid.

Mapapanood ang two-part anniversary special episodes sa October 19 at 26, parehong Linggo sa ganap na 6:10 pm sa GMA Network.—FRJ GMA Integrated News