Nagbalik-tanaw ang mga dating ka-“Bubble” na sina Maureen Larrazabal at Ara Mina na may pagkakataong nag-away sila dahil sa lalaki, kaya napahinto muna ang taping nila noon sa “Bubble Gang.”

“There was a time, napag-usapan din namin ito, kaming dalawa nag-away kami,” sabi ni Maureen sa guesting nila ni Ara sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Nag-stop taping kami because of that. Because of my ex. Misunderstanding, kaming dalawa,” pagpapatuloy niya.

Ayon kay Maureen, gumawa ng isyu ang kaniyang ex sa kanilang dalawa ni Ara.

Dahil sa kanilang pag-aaway, nagdesisyon ang production na pansamantalang itigil ang taping.

Sinabihan ang dalawa na mag-usap at ayusin ang kanilang problema at iniwanan sila sa loob ng tent. Kinalaunan, nagkaayos naman daw ang dalawa.

Nang klaruhin ni Tito Boy kung niligawan silang pareho ng lalaki, “Yes, parang ganu’n,” tugon ni Maureen, at sinabing sila pa noon ng lalaki.

Si Ara naman, iba ang natanggap na impormasyon sa lalaki.

“Sabi niya, parang wala na sila. Parang, ‘ha?,’” sad niya.

“Ang boys kasi talaga hangga’t makakalusot,” sabi ni Maureen.

Sa kabila nito, pinasalamatan ni Ara ang Bubble Gang dahil naging pamilya na rin ito sa kanila.

“Kasi nga, ang maganda sa Bubble, kaming, sina Bitoy, Ogie, lahat, all the girls, parang isang family kami. ‘Pag kunwari, may umiyak sa amin na heartbroken, dami lahat, parang naka-console lahat. ‘Yung dadamayan ka,” kuwento ni Ara.

Muling mapanonood sina Maureen at Ara sa "Bubble Gang," na nagdiriwang ng ika-30 anibersaryo nito na may dalawang bahaging anniversary special episode sa Oktubre 19 at 26. – FRJ GMA Integrated News