Emosyonal na inilahad ni Maureen Larrazabal ang kaniyang takot noon na magtanong ang dalawa niyang non-biological na anak tungkol sa tunay nilang pagkatao, at magrebelde kapag nalaman nilang hindi siya ang tunay na ina ng mga ito.

Sa guesting nila ni Ara Mina sa “Fast Talk with Boy Abunda,” kinumusta ni Tito Boy si Maureen bilang isang ina.

“Very hands-on ako. I’m always there kung kailangan nila ako. Every day ko silang kausap, I’m very close to my daughter; 19 na siya but she sleeps beside me, so gano’n kami ka-close. Kilala ko ‘yung mga manliligaw niya,” kuwento ni Maureen.

Dagdag ng aktres, inaalam niya kung saan magpupunta ang kaniyang mga anak, at inihahayag ang kaniyang opinyon tungkol sa kanilang mga kaibigan.

“Sinasabi ko ang opinyon ko. Normal ‘yun,” sabi niya. “‘I don’t think maganda ang influence niya sa’yo anak. Dahil nakikita ko sa TikTok ‘pag sumasayaw siya,’” mga halimbawang ipinapayo ni Maureen sa mga anak.

“Wala lang. Tanggap nila ako eh. Makikialam talaga. Andoon kasi ang concern mo,” dagdag niya.

Hindi mapigilan ni Maureen na maiyak nang ikuwento niya ang nararamdaman niyang takot tungkol sa pagkatao ng kaniyang mga anak.

"Kasi hindi biological. Ang takot ko, hindi nila maintindihan why, tapos mag-rebelde," sabi niya.

Ayon kay Maureen, kusa nang nalaman ng kaniyang mga non-biological na anak ang katotohanan, at tanggap pa rin siya ng mga ito.

“Hindi na nila ako tinanong, actually. Pero sinabi at binitawan na lang nila one day na ‘We know that you’re not our real parent, but we love you so much that we don’t care to know who our parents are.’”

“Doon pa lang, hindi na ako binigyan ng hirap na mag-explain ng mga anak ko and because of that, I am really, very thankful and grateful to them. Because ‘yun ‘yung kinatatakot ko na hindi ko kayang i-explain papano,” dagdag niya.

Dahil dito, malaki ang pasasalamat ni Maureen sa pagtanggap sa kaniya ng mga anak niya.

“So very grateful ako nu’ng finally sila na mismo ang nagsabi na… tinanong ko rin sila, ‘Do you wanna see your parents? Do you wanna know?’ Sa kanila, ‘No. It’s not important anymore, Mom.’”

Sa parehong interview, sinabi ni Maureen na 22 taon na sila ng kaniyang partner, pero wala silang planong magpakasal.

“Yes. Ako kasi, very particular ako sa ‘yung mag-aaway tayo tapos mahihirapan tayo. We love each other. We’ll be together. It’s easy to fall in love, but to stay in love is very difficult,” sabi niya.

“So, choice ko to be with you. It doesn’t matter kung kasal tayo or not.”

Muling mapanonood sina Maureen at Ara sa "Bubble Gang," na nagdiriwang ng ika-30 anibersaryo nito na may dalawang bahaging anniversary special episode sa Oktubre 19 at 26. —VBL GMA Integrated News