Nagpa-tattoo removal si Mika Salamanca bilang paghahanda sa kaniyang mga paparating na acting projects.

Sa TikTok video, ibinahagi ng Aivee Clinic ang proseso sa pagbura ng tattoo ni Mika.

Ayon kay Mika, hindi naging madali para sa kaniya ang pagpapatanggal ng mga tattoo dahil may personal na kahulugan ang mga ito sa kaniya.

"This is hard for me 'cause I love my tattoos and all of them [have] meanings. Before ko silang ipalagay, talagang pinag-iisipan ko," anang aktres.

Ngunit kailangan niyang ipatanggal ang ilan sa mga ito para sa kaniyang magiging mga role.

"Nag-decide akong ipa-remove some of my tattoos kasi kailangan ko for acting. Kailangan ko para sa mga future project," dagdag niya.

Nahihirapan umano si Mika na itago ang kaniyang mga tattoo sa taping at endorsements.

"Kahit noong bata pa ako, I really love tattoos, so I don't think titigil ako ever na magpa-tattoo. It's just that siguro pause lang muna sa ngayon. I think in the future kapag nag-decide na lang ako na mag-focus sa music, but for now, removal na muna," paliwanag niya.

Si Mika ang Big Winner ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" kasama si Brent Manalo.

Kasama siya sa "Encantadia Chronicles: Sang'gre" bilang Anaca at sa paparating na proyekto ng GMA Network at ABS-CBN na "Secrets of Hotel 88."

Bukod sa pag-arte, si Mika ay isa ring singer at author ng children's book na "Lipad."—mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News