Naglabas ng pahayag ang legal team ni Raymart Santiago kaugnay sa mga sinabi ni Inday Barretto—ina ni Claudine na estranged wife ng aktor—sa naging panayam sa kaniya ni Ogie Diaz kamakailan.
Tinawag nina Atty. Howard Calleja at Atty. Katrin Jessica Distor-Guinigundo na “untruthful and slanderous narrative,” ang mga pahayag ni Inday sa panayam ni Ogie na naka-post sa Facebook page ng huli.
“It is very unfortunate that Mrs. Barretto opted to resort to publicity to spread this untruthful and slanderous narrative about our client and his marriage with Ms. Claudine Barretto (Ms. Claudine), who has likewise repeatedly exploited social media and sought recourse through trial by publicity to discredit our client's name and reputation,” saad sa pahayag ng law firm.
Ayon sa kampo ni Raymart, nag-ugat ang galit umano ni Inday’ dahil sa conjugal land ng mag-asawa na ibinenta umano ni Claudine tatlong taon na ang nakararaan, nang walang pahintulot at hindi alam ng aktor.
“Our client refuses to partake in any dispute involving, or irregularity Ms. Claudine and her cohorts may have committed,” ayon sa pahayag.
Ipinaalala rin ng mga abogado ni Raymart sa mga Barretto ang umiiral na Gag Order na inilabas ng Family Court, Branch 5 ng Mandaluyong City noong 2023, na masusing sinusunod umano ng kanilang kliyente.
“It is his hope that Ms. Claudine, her family, and agents would do the same, out of respect for the courts of justice and more importantly, for the sake of their children,” ayon pa sa pahayag.
Patuloy pa sa mga abogado, “Finally, let this be a final warning that any utterances in contravention of the law shall be dealt with before the appropriate forum to protect our client's rights and to preserve his interests.”
Sa tell-all interview kay Inday, na inilabas sa YouTube channel ni Ogie noong Linggo, sinabi nito na sinasaktan at inaabuso umano ni Raymart ang kaniyang anak na si Claudine sa panahon ng pagsasama ng dalawa bilang mag-asawa.
Nakatatanggap umano siya ng tawag mula kay Claudine na humihingi ng tulong. Nilinaw din niya na hindi drug addict ang kaniyang anak, pero mayroon itong mental health condition.
Wala pang pahayag na inilalabas si Claudine tungkol sa mga sinabi ng kaniyang ina.
Taong 2006 nang ikasal sina Claudine at Santiago, at naghiwalay noong 2013. Nagkaroon sila ng dalawang anak. — mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ GMA Integrated News

