Ikinasal na si Mav Gonzales kamakailan sa Filipino-American na si Matthew Valeña, na nakilala niya sa isang dating app. Ano nga ba ang nagustuhan niya sa binata, at paano niya nalamang ito na ang “The One” para sa kaniya?

Sa podcast na “I-Listen with Kara David,” ibinahagi ni Mav ang mga nagustuhan niya kay Matthew, na naka-date niya ng walong oras sa isang restaurant.

“Mahilig siya sa Star Wars. Mahilig siyang magluto, pro-Filipino siya. So 'yung hitsura niya, mukha siyang Tisoy. Mahilig siya sa Filipino martial arts. So parang in touch with the Filipino side, sabi ko, ‘Siguro half ‘to,’” saad niya.

Hanggang sa naramdaman ni Mav na seryoso si Matthew sa kaniya, nang magpasiya itong hindi na makipagkita sa iba pa nitong dine-date.

Kaya naman si Mav, kinansela na rin ang dapat sana’y iba pa niyang date kinabukasan.

“So, the reality of that was, after nu'ng first date namin ni Matthew, mayroon akong first date ulit the next day, dapat. Someone else. Ano naman kasi tayo, kapag reporter, naka-schedule tayo lahat. Pa-efficient tayo,” pag-amin niya.

“Kinansel ko na. After nu'ng first date namin, kinansel ko. So, wala na akong kinausap, pero hindi ko sinabi sa kaniya ‘yon,” sabi ni Mav.

Kalaunan, naramdaman ni Mav na si Matthew ang para sa kaniya.

“Kasi ‘yung mga tao na feeling ko, hinihingi ko, the things I felt I had to beg for with other people, siya normal sa kaniya ‘yon,” ani Mav, na idinagdag na magaan din ang pakiramdam niya kay Matthew.

“I am very specific, kaya walang eyeliner ‘yung makeup ko ngayon kasi siya, sabi niyo, ‘Oh, I like it better when you look natural.’ Sabi ko, ‘okay.’ Walang eye makeup na ‘yan,” pagbahagi pa niya.

Kumportable rin si Mav na sabihin ang kaniyang mga saloobin kay Matthew nang walang panghuhusga.

“Alam mo ‘yung relationship na parang feeling mo you're walking on eggshells? Ito, hindi. Parang kahit anong gusto ko sabihin, sige sasabihin ko, kasi alam ko, hindi niya iti-take personally or maiintindihan niya. Hindi siya mao-offend na sinabi ko ‘yun o tinanong ko ‘yun.”

Proposal

Isang buwan pa lang silang nagdi-date nang mag-propose na ang binata sa kaniya. Kinumpirma ni Mav na isa itong “whirlwind romance.”

“Kasi parang nu'ng nag-date kami and we decided na, okay sige tayo na, committed relationship, napag-uusapan na kaagad namin na ‘Okay, in the books ba sa 'yo magpakasal?’ ‘Oo.’ ‘Gusto mong magkaanak?’ ‘Oo, 35 na ako.’ Tapos siya, ‘Oo, oo,’” kuwento ni Mav.

Hanggang sa tinanong ni Mav kung “ready” na si Matthew. Nagkaroon siya na rin siya ng pakiramdam na magpo-propose ang binata.

“Siya parang ‘Oo, ready na.’ So ako feeling ko, kasi alam ko na pauwi siya ng Amerika. Alam ko, na-sense ko na bago siya umalis magpo-propose ‘to,” ayon kay Mav.

“Assume-era si ate. Ganda mo girl!” biro sa kaniya ni Kara.

“Pero tama naman ‘yung assume ko ‘di ba?” sagot ni Mav.

Bago nito, tila nagpahiwatig na raw si Matthew nang ipakita kay Mav ang singsing ng lola ng nobya.

“Etong engagement ring namin parang family heirloom ‘to. Singsing ‘to ng lola niya. Pinakita niya siya sa 'kin. Parang sabi lang niya ‘Gusto mo ba itong singsing na ito?’ Tapos sabi niya, ‘Gusto mo ba ‘to?’”

Kahit na pinakitaan na siya ng singsing, ayon kay Mav, hindi siya kinabahan.

“‘Oo, maganda,’” tugon ni Mav kay Matthew. “Tapos sabi niya, ‘So kung kunwari magpo-propose ako eto ‘yung gagamitin ko okay lang sa 'yo?’ ‘Oo,’” muli niyang sagot.

“‘Mas gusto ko nga ‘yan kasi from the family,’” sabi pa ni Mav tungkol sa singsing ni Matthew. “Surprise na lang when and where.”

Inilarawan ni Mav ang kaniyang pakiramdam sa pagpapahiwatig sa kaniya ni Matthew.

“Kinilig ako but also alam mo ‘yung feeling na calm at peace. Alam mo, lahat ng tao sa paligid ko naloka sila,” sabi niya.

“Parang feeling ko, I'm safe with this person. At saka kasi naniniwala ako sa wisdom ng parents and kinausap niya ‘yung parents ko, he asked for my hand bago siya nag-propose sa akin. So nu’ng binigay ng parents ko ‘yung blessing nila, siguro naman approve sila, ‘no?’” kuwento ni Mav.

“Sobrang green flag ni Matt. Panalo ‘yun,” komento ni Kara.

Ikinasal sina Mav at Matthew kamakailan lamang. Na-engaged sila noong Hunyo. -- FRJ GMA Integrated News