Sinagot ni Faye Lorenzo ang tanong kung kaya ba niyang mag-full nudity sa isang pelikula?
“Parang sa ngayon, hindi na yata, Tito Boy. Kasi parang okay naman, nagagawa ko naman ‘yung binibigay sa aking character nang maayos,” sabi ni Faye sa guesting nila ni Valerie Concepcion sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
Paglilinaw ni Faye, hindi niya tutol sa mga aktor at aktres na gumagawa ng naturang maselang eksena.
“Hindi ako against sa mga nag-gano’n,” sabi niya. “For me, hindi ko kaya ‘yung talagang totally na nudity. Kasi kaya ko namang laruin nang hindi ako nagpapakita totally.”
Muling mapanonood si Faye sa ika-30 anibersaryo ng Bubble Gang.
“Sa Bubble Gang po talaga ako nagsimula. ‘Yung Bubble Gang talaga ‘yung unang pinto na nagbukas sa akin dito sa showbiz. Kaya ‘yung puso ko talaga sa Bubble Gang, napakaiba. Talagang mahal na mahal ko ‘yung show na ‘yan,” paliwanag niya.
“Kaya nga nu’ng nag-graduate na ako, sobrang iyak ko diyan. So nu’ng sinabi na magiging part ako ng 30th anniversary, grabe, sobrang saya ko as in. ‘What? Kasali pa rin ako,’” ayon kay Faye.
Itinuturing ng aktres na blessing ang “Bubble Gang” dahil na rin sa maraming biyaya umano ang dumating sa kaniya nang dahil sa gag show.
Isa si Faye sa mga naging rising star noon ng Kapuso Network, na nag-viral sa "Shoplifter" comedy sketch ng “Bubble Gang.”—FRJ GMA Integrated News
