Kasabay ng pamamaalam, humingi rin ng kapatawaran ang choreographer na si Mel Feliciano sa namayapang si Anna, ang dati niyang kabiyak, na isang ring dancer at choreographer.
"Paalam Anna," panimula ni Mel sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkoles.
Matapos silang maghiwalay, sinabi ni Mel na marami siyang natutunan, lalo na ang pagiging ama sa kanilang anak na si Rupert.
"Salamat sa pag alaga kay Rupert," ani Mel na sinundan niya ng paghingi ng tawad sa kanilang paghihiwalay.
"Tama man o mali ang paghhiwalay natin, patawad," ayon kay Mel.
Inihayag din niya sa post na, “Ang lahat ng ito ay plano ni lord mula unang araw hanggang ladt day nandon ako d ako nagpost ng kahit ano gusto ko MOMENT MO YON.”
Nagpasalamat din siya sa salamat sa mga dancer na nagbigay ng dance tribute kay Anna.
"Mula sa pamilya ko at sa pamilya mo, lubos akong nakikiramay. We'll pray for your soul," ani Mel.
Pumanaw si Anna noong Huwebes, October 23 sa edad na 65, na ayon sa isang ulat ng PEP.ph ay dahil sa heart attack.
Ni-repost naman Rupert ang mensahe ng kaniyang ama, at pinasalamatan sa tulong nito at araw-araw na pagpunta sa burol ng kaniyang ina.
"My family appreciate you so much. I love you, Dad," saad ni Rupert.
Bukod sa pagiging dancer, nakilala rin si Anna bilang choreographer sa iba’t ibang variety shows. — FRJ GMA Integrated News

