Binalikan nina Rochelle Pangilinan at Sunshine Garcia ang mga hindi nila malilimutan at nakatutuwang karanasan noong mga miyembro pa sila ng Sexbomb dance group. Kabilang dito ang “pagtakas” nila sa kanilang manager na si Joy Cancio, dahil sa marami itong ipinagbabawal.

“Puro po kalokohan kami Tito Boy,” pag-alala ni Sunshine sa guesting nila ni Rochelle sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

“Kahit sa taping noon ng ‘Daisy Siete’ [afternoon series] puro kalokohan,” dagdag ni Sunshine.

Natatawa namang hirit ni Rochelle, “Buti nga po walang socmed noon eh.”

Inalala nina Rochelle at Sunshine ang ilang ginagawa nila noon na patago sa kanilang manager.

“‘Yung nagbi-bingo kami, nagto-tong-its kami. Kami-kami. Tapos papasok si Ate Joy, galit na galit kasi tawag na siya nang tawag sa amin, walang lumalabas,” kuwento ni Sunshine.

Ayon naman kay Rochelle, eere na ang noontime show na kinabibilangan nila noon pero wala pa sila sa stage.

“Tumatakas po kami kay Ate Joy,” sabi pa ni Rochelle. “Kasi po ang show namin dati talaga, north to south, south to north, tapos mag-i-‘Eat Bulaga,’ magte-taping ng ‘Daisy Siete,’ magshu-shoot ng ganito. So wala ka po talagang time,” sabi ni Rochelle.

Hindi na raw maalala ni Rochelle kung ilang beses na siyang tumakas at sino ang kaniyang kasama.

“Ano kasi si Ate Joy, mahigpit siya,” dugtong ni Sunshine.

“Bagets po kasi kami. [Hindi rin madali kasi na humawak] ng maraming babae na matitigas ang ulo,” sabi naman ni Rochelle.

“Sobrang, sobrang higpit niya sa amin. ‘Bawal lumabas,’ ‘Bawal ka makipag-date,’ ‘Bawal ka makipag-usap sa mga kapwa-dancer na lalaki,’” pag-alala ni Sunshine.

Ngunit natatawang hirit ni Rochelle, “may nakakalusot.”

Sa kabila nito, alam ni Joy ang mga kaganapan ng kaniyang mga alaga.

“Ang nakakaloka dito, Tito Boy, kinabukasan, alam niya. Naka-track kami,” sabi ni Sunshine, na madalas daw makalusot, ngunit may penalty.

Sinabi naman ni Tito Boy na nauunawaan niya si Joy dahil nanggagaling ito sa perspektibo ng manager ng isang grupo.

“Ako naiintindihan ko ‘yun, from a management point of view. Dahil as a manager at matagal… nagkasalubong kami ni Joy. Isa sa mga pinakatatakot ko, ay mag-manage ng grupo. Hindi, totoo, kasi ang hirap talaga,” anang King of Talk.

Magre-reunion ang Sexbomb Girls sa kanilang concert na gaganapin sa Disyembre 4 sa Araneta Coliseum.

Hit nila ang “Spaghetti Song” at marami pa, at napanood pa sa drama series na Daisy Siete na umabot ng halos pitong taon sa GMA Network. – FRJ GMA Integrated News