Sa pagbisita ni Mark Bautista sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, binalikan ni Tito Boy ang panliligaw umano ng singer kay Sarah Geronimo.

“Nag-attempt. But I failed,” pag-amin ni Mark na ayon kay Tito Boy ay nangyari bandang 2007 o 2008.

Matatandaang taong 2003 nang sumali siya sa isang reality TV talent search kung saan si Regine Velasquez ang host, at isa sa judges si Tito Boy.

“Ang motivation ko that time was dahil walang trabaho ‘yung papa ko. Wala kaming business. ‘Yung mama ko wala rin trabaho. So, parang nag-stop ‘yung mga kapatid ko sa pag-aaral,” ani Mark.

Sa huli, si Sarah ang nagwagi, at naging runner-up si Mark.

Ayon kay Mark, hindi niya ikinadismaya nang si Sarah ang manalo.

“Kasi nakita ko ‘yung performance niya, nasabi ko, ‘Siya talaga ‘yung panalo,” paliwanag niya.

Binalikan din ni Mark ang kaniyang humble beginnings, na minsan ding mangarap na maging isang solo artist.

“Kasi dati karaoke. Nagre-record ako sa isang blank tape ng songs. Nilalagay ko sa tape. ‘Yung blank tape, nilalagyan ko ng picture. So, ang dream ko nu’n is magka-album lang… Feeling ko may album ako. Nilalagyan ko ng picture na ID picture ko,” kuwento niya.

Kalaunan, kumanta si Mark sa mga bar at lounges sa Cagayan.

“And that time feeling ko, kasi 20 na ako noon or something. Sabi ko shucks, parang tumatanda na ako,” sabi niya.

“Sabi ko, ‘Ito lang ba ako na parang kanta-kanta na lang lagi sa mga bars? I think kailangan may gagawin akong something na decision na malaki,’” dagdag ni Mark.

Sa kabila nito, hindi pumasok sa isip niya ang yaman at kasikatan.

“Sumakay ako ng cargo ship. Wala akong pakialam na parang I'll go through that with my brother. Kasi gusto ko talagang makatulong and gusto ko rin ma-fulfill yung parang dream ko,” anang singer.

Ngayon, 22 taon na sa industriya si Mark.

“I am happy Tito Boy,” sabi niya. “Natutuwa ako Tito Boy na nabibigyan pa rin ako ng magandang projects. Nabibigyan pa rin ako ng atensyon like GMA. Binibigyan pa rin nila ako ng… magandang platform, may show pa rin ako ngayon.”

Nagpasalamat din si Mark na nakakapag-guest siya sa “It’s Showtime.”

“I think I’m in a better place now, na wala na akong hinihingi pang sobra. Kasi marami na rin akong nagawa in the past,” sabi niya. – FRJ GMA Integrated News