Umaasa si Jillian Ward na personal na niyang makikita ang bagong Kapuso na si Eman Bacosa Pacquiao, na nauna nang umamin na crush ang Kapuso actress.

Sa pagbisita sa GMA show na “Unang Hirit” nitong Lunes, sinabi ni Jillian na flattered siya sa inihayag ng binatang anak ni dating senador at boxing icon Manny Pacquiao.

“Nakakatuwa and sana mag-meet kami,” ani Jillian. “Sana soon, hindi lang online.”

Sa naunang panayam, sinabi ni Kapuso actress na nag-follow si Eman sa kaniyang Instagram at nagla-like sa kaniyang mga post.

"Na-appreciate ko naman. Finollow niya po ako, finollow back ko,” ani Jillian.

“Napapanood ko din po 'yung mga TikToks tungkol sa kaniya na he's very Godly, he's very nice," sabi pa ng dalaga.

Pumirma kamakailan si Eman ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center.

Samantala, kabilang si Jillian sa mga bida sa "KMJS' Gabi ng Lagim The Movie," kasama sina Sanya Lopez, Miguel Tanfelix, Rocco Nacino, at marami pang iba.

Mapapanood ang naturang horror movie sa mga sinehan simula sa November 26. — Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News