Opisyal na ang kolaborasyon nina Sofronio Vasquez at Michael Bublé.

Magsasama ang dalawa para sa isang holiday single, isang cover ng kantang “Maybe This Christmas” ni Michael na ilalabas bago matapos ang Nobyembre.

"When you're new, you pray for someone to give you a chance. [Michael Buble] didn't just give me a shot, he gave me his time, his wisdom, and his voice. I'm still in disbelief," saad ni Sofronio sa Instagram.

Sinabi naman ni Michael sa comments section, "I can't wait for them to hear the Tagalog lyrics!"

Nagbigay ng karangalan si Sofronio sa Pilipinas nang manalo siya sa “The Voice USA” noong nakaraang taon. Siya ang kauna-unahang Pilipino na nanalo sa kompetisyon sa ilalim ng Team Michael.

 

 

Noong nakaraang Hulyo, inawit ni Sofronio ang pambansang awit ng Pilipinas sa State of the Nation Address.

Nauna nang nagbigay pahiwatig si Sofronio na gumagawa siya ng isang EP kasama sina Michael, David Foster, at Paul Anka.—Nika Roque/MGP GMA Integrated News