Sa teaser ng upcoming anniversary episode ng vodcast na “Your Honor,” may patikim na payo si Paolo Contis sa mga tao na nabubuhay umano sa “likes” sa social media.
Dahil inulan din noon ng mga basher si Paolo, naging tema ng vodcast sa upcoming session ang tinawag na 'In Aid of Handling Bashers: Andaming Mema!'
Ayon sa aktor, dapat piliin lang ng isang tao ang mga opinyon na papakinggan o nababasa niya.
“Kailangan piliin mo kung sino 'yung opinyon na pakikinggan mo. Kailangan mo salain kasi lahat ng tao may opinyon. Meron akong nabasa nung isang araw, alam naman ng mga tao, nakikita ko 'yung mga anak ko 'di ba [sina Xonia at Xalene],” ani Paolo.
“[Sabi nung isa], 'Ayan, 'yan 'yung sinasabi namin. Dapat nagkikita kayo ng mga anak mo.' Pakialam ko sa'yo.’ [ibig ba niyang sabihin] naayos 'yung buhay ko dahil sa mga sinabi nila 'di ba? No!,” giit ng aktor.
Payo naman niya sa mga mahilig sa social media, “Kung ang buhay mo ay likes, kailangan tanggap mo rin yung facts na maba-bash ka. Kung hindi mo kaya then don’t post.”
“Kung na-o-offend ka eh ‘di ‘wag kang mag-social media,” dagdag pa niya.
Sa naturang show, ibabahagi rin ni Paolo ang nabuo nilang friendship sa ex-partner niyang si Lian Paz at ang asawa ngayon nito na si John Cabahug—na nagpaiyak sa host na si Chariz Solomon.
Kamakailan lang ay magkakasama sila-- pati na rin ang mga anak ni Paolo kay Lian na sina Xonia Aitana at Xalene Abrianna-- nang manood sila ng BLACKPINK concert sa Philippine Arena.
Panoorin ang guesting ni Paolo Contis sa Your Honor, ngayong December 6, pagkatapos ng Pepito Manaloto sa YouLOL YouTube Channel. – FRJ GMA Integrated News
