Taliwas sa paniwala ng ilang netizens, nilinaw ni Kiray Celis na hindi P5 milyon ang halaga ng kaniyang wedding gown.
Ginawa ni Kiray ang paglilinaw nang maging bisita sila ng kaniyang mister na si Stephan Estopia sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, at tinanong ng King of Talk kung magkano ba talaga ang isinuot niyang gown sa kanilang kasal kamakailan.
"Hindi naman 'yun five million (pesos),” ani Kiray kaugnay sa naging usap-usapan ng netizens. “Pero sobrang kinikilig ako na mukha palang five million 'yung gown ko."
"Ang ganda-ganda ko 'pag sinasabi niyo sa 'kin na ganun kamahal 'yung gown ko kasi ibig sabihin kaya ko palang dalhin 'yung sa tingin n'yong limang milyon na gown," dagdag niya. "Pero hindi siya ganun kamahal."
Ayon pa Kiray, lima ang kaniyang gown na ginamit sa kasal. Kinabibilangan ito ng gown na ginamit niya sa preparation, ang kaniyang bridal gown, ang gown para sa reception, isa pa sa first dance, at isa pa sa after-party.
Sinabi ni Kiray, handa niyang ipahiram ang mga gown sa mga nais magpakasal basta kakasya sa hihiram.
“Sa mga nanonood na bride, i-message niyo ‘ko ipapahiram ko kapag kasya sa inyo yung mga gown na ginamit ko,” saad niya.
Ibinahagi rin ni Kiray na mga ninong at ninang sila na nagregalo ng honeymoon trip sa Amanpulo, libreng rental sa wedding reception venue. —FRJ GMA Integrated News
