Muling humingi ng panalangin si Kris Aquino kasabay ng kaniyang post ng larawan na nakahiga silang mag-iina sa tig-isang hospital bed.
Sa kaniyang Instagram Stories, ibinahagi ng Queen of All Media ang isang larawan na tila nasa isang medical facility sila. Katabi niya ang kaniyang mga anak na sina Bimby at Josh, na may fever patches sa kanilang mga noo.
“The Christmas–New Year break has been ‘heartbreaking’ — kakayanin ko pa ba? Prayers please, I’m sorry for asking again,” sabi ni Kris sa kaniyang caption.
Gayunman, hindi pa nagbibigay ng opisyal na update si Kris tungkol sa kalagayan nilang mag-iina.
Noong nakaraang Pebrero nang unang beses na nasilayan si Kris sa publiko sa gitna ng pakikipaglaban para sa kaniyang karamdaman matapos siyang dumalo sa People Asia People of the Year 2025 awards night upang suportahan ang kaibigang si Michael Leyva.
Sa kaniyang update noong Abril, sinabi ni Kris na mayroon na siyang siyam na autoimmune diseases.
Dumalo naman naman siya sa selebrasyon ng kaarawan ni Michael noong Oktubre. -- Nika Roque/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

