Inihayag ni Tom Rodriguez na hindi niya inaasahan ang kaniyang pagkapanalo bilang Best Supporting Actor para sa kaniyang role sa pelikulang “Unmarry” sa 2025 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Sa ulat ni Athena Imperial sa Balitanghali nitong Martes, sinabing gumanap si Tom bilang si Stephen, asawa ng karakter ni Angelica Panganiban sa “Unmarry.”
Ayon kay Tom, wala siyang kahit anong inaasahan sa pagdalo sa MMFF Awards Night noong weekend.
“I was in shock. No, I didn't expect at all to be nominated or anything. Sinabi lang nila, we're here to support Metro Manila Film Festival and support of course the whole cast was gonna be here. So nu’ng tinawag ‘yung pangalan ko sa nominees, then I was like, ‘What?!’” sabi ni Tom.
Nagpapasalamat din ang aktor sa lahat ng mga nanood at manonood ng pelikulang Pinoy ngayong holiday season.
“It’s nice na people are investing. Kasi let’s be honest, madaling ma-spoil, nandiyan na, very accessible ‘yung entertainment. Feel ko talaga sining ‘yung kaluluwa ng mamamayang Pilipino kaya dapat binubuhay natin. It’s nice na mas pina-prioritize na natin ngayon with programs such as these Metro Manila Film Festival. Na talagang inuuna natin ‘yung sariling atin,” sabi ni Tom.
Wala man sa MMFF Awards Night venue, nanood ng programa ang kaniyang non-showbiz wife at anak, na inilarawan niyang kaniyang “best cheerleaders.”
“My son was asleep but he woke up when my wife shouted. ‘Yan, nanonood siya sa live stream. Pag-upo ko, may message na siya na congratulations kaagad. Kaya this is for them.”
Ayon pa kay Tom, “compliment” na nakita siya ng mga hurado bilang epektibong kontrabida.
“I'm happy that the jurors also saw that, that it was just a role. Na ‘yun nga, that they were able to separate Tom from Stephen. For them to recognize it, kaya I'm so thankful,” ani Tom.
Samantala, gumaganap si Tom sa “Encantadia Chronicles: Sang'gre” bilang si Gargan, ang pinakabagong kontrabida ng fantasy serye.
“I'm loving my kontrabida era. This is my third na. I did ‘Lilet Matias’ last year, Gargan ngayon sa Encantadia. Tapos ngayon for Unmarry. Kaya please give me more.” – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
