Sa pagtatapos ng 2025, inihayag ni Bianca Gonzalez ang kaniyang panalangin para sa bayan na makulong ang mga dapat managot pagdating sa isyu ng umano’y katiwalian sa paggamit ng pondo sa flood control projects.
“Sana may makulong na dapat nang makulong. Sana may maibalik, kung may maibabalik pa na pera ng taumbayan,” sabi ni Bianca sa year-end special ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
“At saka, naniniwala kasi ako na ang batas natin nandiyan, hindi lang naipapatupad nang tama. Pero sana ‘yung pagpapatupad ng batas ay maging pantay para sa mahirap at para sa mga nasa posisyon ng kapangyarihan,” dagdag pa ng actress at TV host.
Ipinunto ni Bianca na tila mas mabilis pang nakukulong ang mga nagnakaw lamang ng maliliit na bagay tulad ng de lata, kaysa mga nagnanakaw ng milyon [piso] pero nakakalipad pa sa abroad.
“Bakit ganoon. Bakit ‘yung dapat nagsisilbi sa bayan, parang nabe-baby pa bago pagbayarin ang kailangang bayaran,” sabi ni Bianca.
Matatandaang nitong 2025, nagsagawa ng mga kilos-protesta ang mga mamamayan, na sinalihan din ng mga artista at ilan pang personalidad, bilang pagkondena sa umano’y katiwalian sa flood control projects.
Ipinaliwanag din ni Bianca kung bakit isinama nila ng kaniyang asawa na si JC Intal ang kanilang mga anak na sina Lucia at Carmen, sa anti-corruption protest na Trillion Peso March noong Setyembre.
Ayon kay Bianca, doon pa man ay aktibo siyang sumasama sa mga kilos-protesta kapag mayroon mali sa pamalalakad sa pamahalaan.
"Sa edad nila na then na 9 and 6 ang sabi namin ng asawa ko, parang naiintindihan na naman na nila and para alam nila kung ano yung nangyayari sa bansa nila," ani Bianca.
"Para unti-unti may pakialam sila para hopefully 'pag tumanda sila mas maging mas aware sila at sila naman ang makikibaka din sa kalsada 'pag kailangan," dagdag niya.– FRJ GMA Integrated News
