Magbabalik-showbiz si Bianca King matapos ang anim na taon na paninirahan sa Australia kasama ang kaniyang mister at anak. Ayon sa aktres, hindi naman planado ang pagtira niya doon na nangyari sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Sa isang episode ng Fast Talk with Boy Abunda, ang pagiging isang asawa at ina ang naging buhay ni Bianca sa Australia kapiling ang asawa niyang si Ralph Wintle at isa nilang anak na babae.
“Sa Australia ako, doon ako nanirahan ng limang taon na hindi planado. Pero nangyari kaya in-embrace ko na lang siya,” ani Bianca, na pumirma kamakailan ng kontrata sa Kapuso talent agency na Sparkle.
Kuwento ng aktres, nagpupunta siya sa Australia dahil nandoon si Ralph na boyfriend palang niya noon. Taong 2019 nang magtungo muli siya sa Australia para ipagdiwang ang kaarawan ng nobyo kasama ang pamilya.
Pero ilang araw pa lang doon, nangyari na ang COVID-19 at nagpatupad ng lockdown ang iba't ibang bansa at kasama siya sa mga hindi na nakaalis ng Australia.
Sa tulong ng mga kaibigan, sinabi ni Bianca, naipadala nila sa Australia ang ilan niyang gamit. Hanggang sa ikasal na sila ni Ralph noong 2020 sa loob ng kanilang bahay doon.
"Nag-umpisa siya sa isang very practical na conversation na 'Saan ba tayo pupunta?' Kasi siyempre, ayoko nang i-sugarcoat, may mga visa issues involved," kuwento niya.
Hindi man malaking kasal at walang mga bisita, sinabi ni Bianca na naging napaka-espesyal ng kanilang kasal dahil nagawa nila “in the simplest and most low-key way possible.”
Tatlong taon matapos silang ikasal, dumating na sa buhay nilang mag-asawa ang kanilang panganay na anak na si Sadie.
Ayon sa aktres, hindi naging madali ang kaniyang adjustment sa bagong buhay niya sa Australia.
"I was just trying to be happy, just trying to get by, just trying to integrate myself into a new society na napakahirap gawin during that time kasi wala kang mga social circles, e," saad niya.
Sa pagiging isang ina, itinuturing ni Bianca ang sarili na isang "excellent" na ina.
"Ang joke ko nga is I am a professional mother, like kina-career ko talaga siya. From studying sleep, nutrition, how to raise a child, toys, books, everything," sabi ng aktres.
Kamakailan lang ay nagbalik si Bianca at pumirma bilang isa sa mga pinakabagong Sparkle stars, kasama sina Gwen Zamora at Regine Tolentino.
Ayon pa kay Bianca, "long overdue" na ang pagbabalik niya sa GMA dahil bago pa man siya umalis noon papuntang Australia, napag-uusapan na nila ito ng asawa.
"Matagal na siyang nasa puso at nasa isip ko, na-execute ko na siya finally and I must say, para dumating sa point na 'to, para iuwi 'yung buong family ko dito and lahat ng gamit namin, it was a long journey," sabi ng aktres.--Kristian Eric Javier/GMA Entertainment
