Ang 2026 ang tinaguriang “Year of the Fire Horse,” na sumisimbolo ng passion at recognition. Ano naman kaya ang magiging kapalaran ng Kapuso celebrities ngayong taon? Alamin sa panayam ng Unang Hirit sa Feng Shui consultant na si Johnson Chua.

Dingdong Dantes at Marian Rivera

Ipinanganak si Dingdong Dantes noong Agosto 2, 1980 na Year of the Metal Monkey, habang si Marian Rivera ay Agosto 12, 1984 na Year of the Wood Rat

Ayon kay Chua, compatible o “allies” ang Rat at Monkey. “One good thing is hindi lang sila pang partner in terms of celebrity, partner din sila in life. Tapos ‘yung mga decisions nila, nagiging intact siya.”

Gayunman, pinaalalahanan ang mag-asawa tungkol sa ilang “external factors.”

BASAHIN: Alamin kung masuwerte ang iyong zodiac sign ngayong 'Year of the Fire Horse'

“Example, baka may mga pinaplano silang investment or mga business na gustong gawin, need to be more careful lang sila konti sa mga conflict and trust issue. ‘Wag lang mabilis masyado magtiwala,” paalala ni Chua.

“Tsaka in terms of travel, maging maingat lang po sa accidents, like that. So wala muna masyado mga high-risk adventure or sports. Medyo chillax lang,” dagdag pa ng feng shui expert.

Dennis Trillo at Jennylyn Mercado

Ipinanganak si Dennis Trillo noong Mayo 12, 1981 o Metal Rooster, habang si Jennylyn Mercado naman ay Mayo 15, 1987 o Fire Rabbit.

Ang Rabbit ang numero-unong sign ngayong taon, kaya “more opportunity, more project” para kina Dennis at Jennylyn. Si Dennis naman bilang Rooster ay maraming “chances of new ideas.”

Gayunman, may kaunting conflict ang Rabbit at Rooster, kaya dapat nilang pag-usapan ang kanilang mga problema para hindi mauwi sa mga tampuhan o away.

“Although when you talk about conflict, hindi naman po talaga siya malas. Conflict, meaning nagkakaroon sila ng mga diskusyon kasi magkaiba sila ng pananaw. As long as they can respect each other’s decision, they can compromise, then no problem po siya,” ani Chua.

Barbie Forteza

Si Barbie Forteza ay isinilang noong July 31, 1997 o Year of the Fire Ox, na kasama rin sa tatlong Top 3 animal signs sa 2026.

Kaya inaasahan ang magandang taon para kay Barbie, lalo sa aspeto ng mga network, connections, at mas marami pang resources. Mas marami rin siyang proyekto at endorsements.

“Meron siyang relationship star this year,” prediksyon din ni Chua.

Ruru Madrid

Ipinanganak si Ruru Madrid noong December 4, 1997 na Fire Ox din, kaya maganda ang kaniyang energy luck o “more project, more network, good connection.”

Gayunman, pinaalalahanan si Ruru na maging maingat sa kaniyang mga desisyon at “one goal at a time” lang dapat o huwag pagsabay-sabayin ang mga ito.

“It’s a very good time na medyo meron din siyang gusto i-explore, new things, new skills na gusto niyang ma-practice, so puwede siya mag-excel this year,” sabi ni Chua. “And relationship is also good.”

Alden Richards

Si Alden Richards na ipinanganak noong Enero 2, 1992, na Year of the Metal Sheep. Ang Sheep ay “best friend” ng Horse.

Kaya naman “very strong” para kay Alden ang kaniyang mga partnership, network at connection.

Mas malakas din ang impluwensiya ng mga Sheep ngayong taon, “so chances, baka meron siyang magawa for the year na masa-shock tayong lahat.”

Pagdating sa relasyon, may potensyal din si Alden, lalo kung bukas siya na hanapin ito. “But action is very important,” sabi ni Chua. “Minsan meron siyang gusto, meron siyang kailangang gawin. Pero ‘yung action niya medyo conflicting.”

“Mas nauuna kasi minsan ‘yung work than the personal things na gusto niya talaga,” ayon pa kay Chua.

Carla Abellana

Isinilang si Carla Abellana noong Hunyo 12, 1986 o Year of the Fire Tiger, na kaibigan din ng Horse.

“Maganda rin ang relationship star nila kaya baka magdire-diretso kung may plano for fertility or something like that,” sabi ni Chua.

Mabuti rin ang taon para kay Carla pagdating sa mga relationship, network at connection o resources.

Gayunman, “accident-prone” ang mga Tiger kaya kailangang mag-ingat ni Carla sa mga basang lugar.

Jillian Ward

Si Jillian Ward na ipinanganak noong Pebrero 23, 2005 ay isang Wood Rooster, kaya mayroon din siyang mga bagong opportunities at ideas.

Gayunman, kailangan ni Jillian ng matinding pokus, at huwag magpadala sa emosyon.

“Medyo mahihirapan kasi ang Rooster na kontrolin ang emosyon nila for this year. Puwede silang maging impulsive or tactless. Huwag lang silang masyadong sugod nang sugod,” babala ni Chua.

Tungkol sa lovelife, may kaunting conflict ang Rooster kaya “go with the flow” lamang dapat si Jillian. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News