Inihayag ni Mike Tan na desisyon nila ng kaniyang non-showbiz wife na maging pribado o hindi mag-post sa social media ng tungkol sa kanilang pamilya.
“It's our choice. It's my choice and also choice ng asawa ko,” sabi ni Mike Tan nang tanungin ni Tito Boy tungkol sa tungkol sa naturang bagay sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.
Sa kabila ng pagiging nasa showbiz, sinabi ni Mike na “very private” ang buhay niya dahil non-showbiz naman ang kaniyang kabiyak.
“Pinag-usapan, even before the wedding, even nung kami palang dalawa, kasi hindi rin naman public figure ‘yung asawa ko. So sa amin, huwag na lang,” sabi niya.
Sinabi pa ni Mike na posible nang mabili ang mga impormasyon tungkol sa isang tao sa hinaharap kaya umiiwas silang magbahagi ng kaniyang asawa ng mga detalye tungkol sa kanila.
“Especially now, ‘yung security. I think, to be honest, five or ten years from now, bibilhin mo na ‘yung security ng tao,” sabi ni Mike.
Ikinasal sina Mike at kaniyang non-showbiz girlfriend ng 12 taon noong 2018, at mayroon na silang dalawang anak ngayon.-- FRJ GMA Integrated News
