Nasira ang isang bahay at tumilapon ang ilang gamit palabas matapos sumabog ang isang LPG sa loob nito sa Barangay NBBS Dagat-dagatan, Navotas. Anim katao ang sugatan.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood na abala sa paglalaro ang ilang bata sa isang eskinita pasado 9 a.m. ng Miyerkoles.

Ilang saglit pa, bigla na lamang nagkaroon ng malakas na pagsabog kaya nagtakbuhan ang mga bata papasok sa mga bahay.

Sa kabutihang palad, hindi sila tinamaan ng mga tumilapong gamit.

Nakapaglakad naman ang ilang sugatang residente palabas ng eskinita habang humihingi ng tulong.

Nagmula ang pagsabog sa maliit na lutuan na may LPG. Wasak ang salamin sa bahay kung saan naganap ang pagsabog, pati na rin ang mga bintana ng katapat nitong mga bahay.

Kabilang sa anim na sugatan ang isang babae at dalawa niyang anak na naglalaga umano noon ng panindang mais sa loob ng inuupahang bahay.

Nadamay din ang dalawa nilang bisita at isang kapitbahay.

Nagpapagaling pa sa ospital ang lima sa kanila matapos magtamo ng mga paso sa iba't ibang parte ng katawan.

“Ang apat po ay nasa Tondo Medical Center. ‘Yun pong isa ay nasa Navotas City Hospital. As of now naman po, stable naman ‘yung mga pasiyente,” sabi ni Vonne Villanueva, Navotas CDRRMO head.

Isinalaysay ng kaanak ng mga biktima na isang kaldero ng mga panindang mais ang nakasalang noon.

Magsasalang pa umano sila ng isa pang kaldero.

Ngunit matapos sindihan ang katabi nitong lutuan na may maliit na LPG tank, doon na ito sumabog.

“Nandito po ‘yung kalan tapos dito po ‘yung may apoy. Tinatanggal ng lalaki ‘yung ulo ng kalan, siguro po sumingaw, hinigop ng apoy ‘yung oxygen ng kalan, sumabog po bigla. Hindi po namin ine-expect na mangyayari po talaga ‘yun. Buti ‘yung anak kong 2 years old hindi nakalabas dito,” sabi ni Angel Sta. Rosa, kaanak ng biktima.

Nakarating ang epekto ng pagsabog hanggang sa mga bahay sa ikalawang palapag at tumilapon ang mga gamit.

Napunta naman ang ibang damit sa mga kawad.

Nalaglagan pa ng paso ng mga halaman ang motorsiklo ng kapitbahay ng biktima na si Danilo Payag.

Nagsasagawa ang Bureau of Fire Protection at Navotas LGU ng imbestigasyon sa insidente.

“Titingnan po namin kung ano po ang tamang paraan o proseso para mapigilan po itong ganitong pangyayari. Pero ang tinitingnan po namin dito ay ‘yung pagkontrol sa paggamit ng tinatawag na tankito,” sabi ni Villanueva. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News