Nasawi ang isang babaeng rider matapos siyang masagi at masagasaan ng isang 10-wheeler truck sa national highway ng Dalaguete, Cebu.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa bahagi ng national highway sa Barangay Mananggal nitong Miyerkoles ng hapon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Police Major Vincent Awit Zozobrado, hepe ng Dalaguete Police Station, residente ng nabanggit na barangay ang biktima, at tinatahak nito ang kaparehong direksyon ng truck.
Nasa unahan umano ng truck ang motorsiklo ng biktima, at umiilaw ang signal light nito na pakanan, batay umano sa pahayag ng saksi.
Kaya naman kumabig umano ang driver ng truck pakaliwa hanggang sa makasabay na nito ang motorsiklo sa daan.
Ngunit bigla umanong pumihit ang motorsiklo pakaliwa at tumama sa truck na dahilan para matumba siya at magulungan.
Ayon kay Zozobrado, nakipag-usap na ang pamilya ng biktima sa driver ng truck. – FRJ GMA Integrated News

