Mula sa pagiging si Atty. Willie sa Metro Manila Film Fest movie na "UnMarry," malapit nang maging ganap na abogado ang aktor na si Nico Antonio kasunod ng kaniyang pagpasa sa 2025 Bar exam.

Sa isang Facebook post ng Quantum Films, isang congratulatory card ang iponost para kay Nico na naabot ang bagong milestone sa kanyang career.

“From Atty. Willie on screen to Atty. Nico Antonio in real life. WOW, nakaka-proud naman talaga!” caption nila sa kanilang post.

Isa si Nico sa 5,594 board passers mula sa 11,420 examinees na napagtagumpayan ang 2025 Bar Examinations. Inilabas ng Supreme Court ang resulta ng exam ngayong Miyerkules, January 7.

Nag-aral ng law si Nico sa San Beda College of Law, bago tuluyang tinapos ang kaniyang pag-aaral sa San Sebastian College bilang isang working student.

Gaganapin sa Pebrero 6, 2026 sa Philippine Arena ang kanilang panunumpa at pagpirma sa Roll of Attorneys, maging pormal at ganap ang kanilang pagiging abogado.

Bukod sa pag-aaral niya ng law, sinabay din ni Nico dito ang kaniyang pag-aartista at lumabas na sa iba't ibang serye at pelikula. Ilan sa mga proyekto niya ay ang GMA Prime series na Voltes V: Legacy, kung saan gumanap siya bilang si Gen. Oslak; at sa Mommy Dearest bilang si Michael Espiritu-Zamora.

Gumanap din sa ilang prominenteng roles sa international series si Nico. Ilan dito ay bilang si Emilio Abello sa Filipino-American crime drama na Almost Paradise, at sa South Korean series na Big Bet.-- Kristian Eric Javier GMA Entertainment